P4.5-M pondo para sa 37th Strawberry Festival, aprubado na

LA TRINIDAD, BENGUET – Inaprubahan ng lokal na pamahalaan ng bayang ito ang halagang P4.5 milyong pondo na gagamitin sa nalalapit na selebrasyon ng ika-37 na Strawberry Festival sa darating na Marso 2018.
Ang tema sa isang buwang pagdiriwang ngayong taon ay “La Trinidad Strawberries Forever”.
Ito ay upang balikan muli ng lokal na pamahalaan kung ano ang nagdala sa bayan ng La Trinidad sa pedestal ng tagumpay hindi lang sa bansa kundi sa  buong mundo.
Nakasentro ang selebrasyon ngayong taon sa produkto ng strawberry at hindi tulad ng mga nakaraang taon na isinama ang iba’t ibang produkto ng probinsya tulad ng bulaklak, kape at gulay na nagbigay ng sari-saring tema sa mga nakaraang pagdiriwang.
Magsisimula ang kasiyahan sa Marso 9 sa pamamagitan ng Ecumenical Service Opening Program, Ribbon Cutting Agro Fair, Strawberry Lane at Battle of the Band.
Magkakaroon din ng Flower Arrangement sa ika-13 at Mass Wedding sa ika-14.
Gaganapin ang pre-pageant ng Mr. na Ms. La Trinidad sa Marso 15 na susundan ng Sweetest and Biggest Strawberries.
Ang highlight ng pagdiriwang ay sa Marso 16, main program at selebrasyon ng Kekkan Milti-Cultural para sa pagpapahalaga sa mayamang kultura ng Benguet.
Susundan ng parada ng Drym and Lyre, Street Dance, Non-Motorize Float sa Marso 17 na may temang “The Colors of Strawberries”.
Aasahan ng mga dadalo ang mga bagong aktibidad sa kapistahan tulad ng Strawberry Wine Fair na may isang araw na libreng patikim at community bonfire na gaganapin sa pagtatapos ng selebrasyon.
Nagdesisyon ang executive committee ng La Trinidad Tourism na gagawing tuwing ikalawang taon ang paggawa ng dambuhalang Strawberry Cake upang masabik at matakam ang mga residente at ang mga turista na dumarayo sa tuwing sasapit ang Strawberry Festival.  Lalaine T. Payay, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon