Pagholdap sa P2.7M para sa 4Ps sa Ifugao, iniimbestigahan

LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi isinasantabi ng pulisya sa kanilang imbestigasyon ang posibilidad na “inside job” ang panghoholdap ng mga naka-bonnet na suspek sa P2.7 milyon na payout sana sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa bayan ng Tinoc, Ifugao, noong Martes (Mayo 22) ng madaling araw.
Nabatid na nagreport sa Kiangan Municipal Police Station na sina Marlon Padolnaton Guimangad, Chester Bulayo Guazon at Jeffrey Humiwat Buhyag kaugnay sa pangho-holdap sa kanila ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek sa may Sitio Indalmogan, Barangay Julongan, Kiangan, Ifugao, dakong 2:10 ng madaling araw ng Martes.
Batay sa salaysay ng mga biktima, nakalagay umano sa black backpack ang nasabing cash na hawak ni Guazon bago sila sumakay ni Buhyag sa motorsiklo habang si Guimangad ay sumakay sa isa pang motorsiklo.
Habang nasa daan ay hinarang umano sila ng tatlong suspek na may de-kalibreng baril, kasabay ang pagtutok ng flashlights sa kanilang mga mukha, bago nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga suspek na nakasuot ng black masks, dark pants at dark t-shirts, ang backpack na naglalaman ng cash bago sila tumakas patungo sa Proper, Julongan, Kiangan, Ifugao.
Ayon kay Senior Superintendent Mark Pespes, provincial director ng Ifugao Provincial Police Office, masusing iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang insidente at boluntaryong isinumite ng mga biktima ang kani-kanilang cellphones para sa beripikasyon. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon