Pangho-hostage ano bang dahilan?

Sa nakalipas na mga taon…sala-salabat na ang mga nakakagulat na mga pangyayari kung saan humahantong sa “hostage-taking” ang mga eksena. Hindi lang sa ating bansa kundi buong mundo. Ang malaking katanungan ay iisa: bakit nagaganap ito? Maraming kasagutan. At yan ang puwede nating pulsuhan, pards:

******
Una, may mabigat na problema ang gagawa ng pangho-hostage. Maaring problema sa pera, sa pamilya, sa trahabo, sa kalusugan, sa sosyodad at maging sa kanyang mentalidad. Ayon sa mga dalubhasa….ang pinakamalubhang factor ay “mentalidad”.

Maaring mabigat ang dinadalang problema at wala na siyang maisip na legal na paraan upang maresolba ito…hihina ang kanyang disposisyon sa lahat ng bagay.

Bibigay ang kanyang pagtitimpi. Hihina ang panimbang at papasok na ang kawalan ng pag-asa. Dito na makakagawa ang isang tao ng illegal o short-cut solution sa iniindang problema. In short…maapektuhan na ang kontrol ng kanyang utak o mentalidad na magreresulta ng masama kung hindi masawata.

Dito na nakakagawa ang isang tao ng di kanais-nais kahit pa alam niyang labag ito sa magandang asal at mga batas na umiiral. Pakiwari niya’y lumiit na ang kanyang mundo at hindi na siya mapapakinggan kung kaya’t gagawa na ito ng paraan upang aalingawngaw ang kanyang sigaw sa sosyodad. ‘Tsk tsk masakit, huli na ang lahat kapag nahimasmasan.

******
Ikalawang factor: gusto lang gumawa ng eksena na parang biro-biro lang ang gagawing panghohostage. Gustong makakuha ng atensiyon, bagay na napakamaling paraan upang makilala siya. Ang masaklap, sa ganyang eksena magkakaroon ng kalituhan na maaring magpapabigat sa mga situasyon kung saan siya ay makakalabuso kundi man mapapatay. Masakit lalo kung may katotohanan ang gustong ibulgar o gustong iputok na mga maanomalyang gawi sa ibat’ibang antas ng pamumuhay.

Masasayang lang kung maunahan siya ng kamay ng batas. Sa ibayong dagat, may mga hostage-taking na nagreresulta sa kamatayan ng marami. Dito mauuwi sa pagaamok ng suspect kapag ito ay nasukol at wala ng aatrasan.

Gagamit siya ng pananggalang. Mang-ho-hostage para sa kanyang kaligtasan. Pero kadalasan, hindi siya makakaligtas. Meron ding mapapasuko pagkaraan ng iba’t-ibang negosasyon at pamamaraan gaya ng ginawa ni hostage-taker na sikyu (Archie Paray) sa isang mall sa Greenhills shopping center kamakailan.

Marami itong isiniwalat na mga hinanakit laban sa mga katiwalian at pagmamalabis pero nang humupa ang galit…anong kinahinatnan? Patong-patong ang kanyang kasong kahaharapin. Maaring nakatulong ang ginawa upang maimbestigahan ang mga nagaganap na illegalidad sa patrabaho at marami siyang natulungan. Pero dahil labag sa batas ang paraang ginawa…hihimas siya ng rehas na bakal.

******
Marami tayong naenkuwentrong kaganapan sa lipunan kung saan may kinalaman sa hostage-taking. May simple, kumplikado, mapusok, marahas na mga klase ng panghohostage. Ano man ito…may batas na nalalabag na may katumbas ding parusa. Kaya ang payo ng nakararami: huwag ilagay sa kamay ang batas.

May nakaatang na mga ahensiya ng pamahalaan upang umalalay sa bawat suliranin upang iwasdahas. Kumprontahin sa legal at mapayapang paraan ang ano mang problema. Patatagin ang takot at pananampalataya sa Diyos at hindi ka Niya pababayaan. Sa pamamagitan Niya…ang likong landas ay maiiwasan. Kontrol sa isip at damdamin at labanan ang kaway ng demonyo upang hindi ka malugmok sa kumunoy ng kasalanan. Tandaan: walang problema na walang solusyon.

Hindi naman tayo bibigyan ng Diyos ng pagsubok na hindi natin ikakatatag. Amen. Adios mi amor, ciao, mabalos

 

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon