Pawnshop keeper sa Baguio, ginilitan sa leeg

LUNGSOD NG BAGUIO – Naliligo sa sariling dugo matapos gilitan sa leeg ang pawnshop keeper na natagpuang nakagapos sa loob ng vault room, makalipas ang limang oras nang patayin ito ng hindi pa nakikilalang suspek sa may Abanao Street, siyudad na ito noong Miyerkoles (Agosto 15).
Ang biktima ay nakilalang si Lindsay Vallejos Valdez, 23, tubong Barangay Cabuloan, Urdaneta City, Pangasinan at nakatira sa Lower Pinget, Baguio City. Empleyado siya ng 202 Cellfone Pawnshop sa Abanao Road, Baguio City.
Nabatid na limang oras ang nakalipas bago nadatnan ng mga nag-respondeng pulisya na nakadapa ang biktima na may packing tape ang bibig at mga kamay sa loob ng vault room na kinalalagyan ng mga nakasanlang cellphone, dakong 1:40 ng hapon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 8:30 ng umaga nang buksan ng biktima ang pawnshop at nagwawalis ito ng sahig, nang biglang sumulpot ang suspek dakong 8:50 ng umaga at kinaladkad ang biktima papasok sa loob ng vault room.
Pinabuksan ang vault room na kinalalagyan ng mga isinanglang cellphone, laptop at cash money. Kinuha ng suspek ang susi ng metal cash box sa biktima at kinuha ang laman nito. Sa loob na rin ng vault room iginapos ng suspek ang mga kamay at bibig ng biktima, gamit ang packing tape at saka ginilitan ng patalim ang leeg nito.
Nakita sa CCTV na dakong 9:07 ng umaga lumabas ang suspek sa pawnshop na naka-backpack, subalit hindi nahagip sa camera ang pagkakakilanlan ng suspek dahil ito ay naka-surgical mask at nakapayong.
Nag-iisa lamang ang biktima sa araw na iyon at wala pang mga kustomer at wala ring security guard ang mismong pawnshop.
Ayon kay City Director Ramil Saculles, sinasabi ng may-ari ng pawnshop na si Julio Fernandez Parayno III, na nawawala ang cash money na P87,434 base sa report sa kanya ng biktima, ilang araw bago maganap ang insidente at 12 piraso ng cellphone na kasalukyang ini-inventory kung talagang nawala ito.
“Tutukan natin ang kasong ito. May nakuhang fingerprint ang SOCO mula sa packing tape, kaya may tsansa na matukoy natin ang suspek kung may record siya sa pulisya,” pahayag ni Saculles.
Ayon sa pahayag ng katabing stalls na hindi pinabanggit ang pangalan, wala silang anumang narinig na ingay na naganap sa loob at bago magtanghali ay nakita nilang may ilang kostumer na nag-aantay sa loob at labas ng pawnshop.
Aniya, isa sa kustomer ang nagtanong sa kanila kung bakit walang empleyado sa loob ng pawnshop sa tagal ng kanilang paghihintay. Sinabihan nila ito baka nag-lunch break, subalit pasado ala una ng hapon ay wala pa rin, kaya’t tumawag sila sa police station para i-report ang pagkawala ng empleyado sa loob ng pawnshop.
“Severe blood loss secondary to incised wound in the neck. Transecting the trachea, esophagus and right carotid artery, then fracture between 4th and 5th neck vertebra,” ang cause of death ng biktima, ayon kay Supt. Rod Leal, medico legal officer ng PNP Crime Laboratory Service, na nagsagawa autopsy sa biktima. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon