PCSO nagbigay ng Pamasko sa 10 tribu sa Cordillera

Sa kauna-unahang pagkakataon ay sampung tribu mula sa Indigenous People’s (IP’s) sa rehiyon ng Cordillera, ang nahandugan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa kanilang isinagawang “Pamaskong Handog ng PCSO” na ginanap sa siyudad ng Baguio.

Ang sampung tribu ay kinabibilangan ng Ibaloi, Kankanaey, Kalungaya,Karao sa lalawigan ng Benguet; Balangao, Bontoc, Applai, Gaddang, ng lalawigan ng Mt. Province; Itneg o Isneg sa lalawigan ng Apayao at Kalinga sa lalawigan ng Kalinga.

Personal na ipinamahagi ni PCSO General Manager Royena Marzan Garma ang kanilang regalo na kawa o’ silyasi at malaking kaldero at iba pang food boxes, na magagamit ng kani-kanilang tribu sa malalaking okasyon.

Ayon kay Garma, ginawa nilang ang ganitong regalo dahil na din sa kahilingan ng kanyang kaibigang IP na mas mainan na kagamitan sa pagluluto ang ihandog sa bawat tribu.

“Mas kakaiba ito kumpara sa ibang lugar, first time na mabigyan namin ng regalo ang IP’s, di gaya sa ibang lugar na karamihan ay individual, PWD’s at mga organisasyon,” pahayag ni Garma.

Aniya, nakita nila na kailangan ng mga IP’s ang ganitong kagamitan, na ginagamit tuwing sila ay may okasyon sa kani-kanilang lugar.

“Gusto kasi ng ating Presidente Duterte na abutin ng ating tulong ang malalayong lugar at bigyan ang mga nangangailangan, hindi lamang sa panahon ng kapaskuhan”.

Ayon pa kay Garma, napakalaki ng mandato ng PCSO para sa mga health financial program ng mga mamamayan, kaya’t nanawagan ito sa publiko na tangkilin ang mga palaro ng PCSO, dahil dito ay nakakalikom ng pondo para ibahagi sa isinusulong na Universal Health program ng pamahalaan.

Ayon naman kay Branch Manager Dr. Ernielie Dancel, malaki ang pasalamat niya at nabigyan ng pansin ang mga katutubo sa Cordillera at patunayn lamang na patuloy na kaakibat na ng pamahalaan ang PCSO sa pagtulong sa mga mamamayan.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon