REKLAMO KONTRA TEAM Z “CASINO JUNKET SCAMMERS” DUMAGSA SA NBI-CORDILLERA

Bilyon-bilyong investments tinangay ng ring leaders ng Team Z;

BAGUIO CITY

Mahigit 60 na mga imbestors, kabilang na ang mga ‘account managers”, ang nauna nang naghain ng reklamo sa National Bureau of Investigation-Cordillera kontra sa mga nagpapatakbo ng “Team
Z” casino junket investment scam, makaraan malinlang ng kanilang pinaghirapang mga pera. Tinatayang aabot sa P4B halaga ng pamuhunan ang tinangay umano ng “Team Z” sa Baguio City pa lamang, dahil aabot sa 10,000 ang namuhunan sa syudad na kinabibilangan ng mula sa maliliit na mga tao hanggang mga propesyonal, mga alagad ng batas at mga negosyante.

Batay sa salaysay ng isang complainant, hinimok at nakumbinse ng mga Team Z leaders na sina Hector Aldwin Liao Pantollana at kapatid nitong Hubert Amiel, magkapatid na Hazen at Hein Carreon Humilde, Mikaela Damasco Ty-Choi, Virginio Casupanan at iba pang ‘core leaders” na patuloy nilang matatanggap ang kanilang 5% buwanang “return of investment” at karagdagang 2% pa sa mga makakakumbinse ng iba pang imbestor sa naturang “Casino Junket financing scheme” na para umano sa Okada casino sa Paranaque City.

Ayon pa sa mga complainants, nakakatanggap sila ng mga “payouts” sa mga unang buwan subalit sa kalaunan ay bigla na lamang ito nahinto at napag-alamang ang kanilang puhunan ay hindi naipapasok sa “casino financing”, subalit tinangay na ng grupo na pinamumunuan ni Team Z founder Hazen Humilde. Isinalaysay pa ng mga ito na posibleng dumami pa ang maglilitawang complainant sa mga susunod na araw dahil sila’y nabigyan ng “investment contracts” subalit nakamaskara bilang “contracts of loans” na taliwas sa tunay nilang intensyong mamuhunan subalit napilitang lumagda sa contract of loan upang matanggap nila ang kanilang “payouts.”

Ang “Investments” ay may locked-up period na 12-buwan. Ibinahagi pa ng mga biktima na kinokolekta ng Team Z ang mga puhunan sa pamamagitan nina Humilde at Mikaela Ty-Choi at dinadala ito kay Hubert Amiel Pantollana gamit ang bulletproof na sasakyan ni Hazen Humilde sa Pampanga at ibibigay sa kanyang kapatid sa City of Dreams Casino sa Paranaque. Nangako ang mga complainants na maging “state-witnesses” sapagkat malalim na nakbaon na sila sa pagkakautang dahil nalinlang at nakumbinse sila ng mga “Team Z leaders’ sa 30/70 car loan at
housing loan sa pangakong sasagutin nila ang buwanang 70% amortization payments makaraan maglabas ng 30% downpayment ang imbestor.

Sa pahayag ng isang nagreklamo, sa kalaunan ay hindi na nagbayad ng monthly amortization (ang Team Z) sa car loan at housing loan kaya niremata yung sasakyan o bahay. Magkakaiba rin ang halaga ng puhunan kung saan umaabot sa P31M ang nailagak ng isang imbestor. Isa pang biktima na umabot sa P7M ang kabuuang naipuhunan ng kanilang pamilya, na nagmula pa sa kanyang personal savings, retirement pay ng kaniyang ina at mula sa mga miyembro ng pamilya na kanyang nakumbinse na ipuhunan sa Team Z Investment Scheme.

Isa sa mga magiging “government witness” ang sumubok na bawiin ang kanilang investment ngunit inutusan ito ng magkapatid na Humilde at Ty-Choi na maghanap ng pamalit sa kanyang ‘slot” at ang magiging puhunan nito ang siyang magiging “pull out investment” na kanyang matatanggap, patunay lamang na isa itong “classic Ponzi Scheme.’ Noong buwan lamang ng Marso ay nagpalabas ng Cease and Desist Order ang Securities and Exchange Commission laban kina Pantollana, mga Humildes, Ty-Choi, Team Z , Philippine National Esports League at tinatayang apat na dosenang mga personalidad na kabilang sa “Casino Junket Financing Operation” upang itigil ang kanilang iligal na “Investment Scheme”.

Maliban dito, inihanda rin ng SEC ang pagsasampa ng pormal na kasong criminal laban sa naturang mga grupo at mga personalidad dahil sa paglabag sa batas hinggil sa “government securities regulations. Subalit hindi pa rin natibag ang iligal na operasyon ng grupo, na umabot na hanggang saan lupalop ng bansa na bumiktima ng libo-libong mga imbestor.

Artemio A. Dumlao/ABN

Amianan Balita Ngayon