Shabu sa Ilocos Norte patuloy na bumababa ayon sa PNP

LAOAG CITY – Dahil sa pinaigting na kampanya laban sa ipinagbabawal na droga ay iniulat ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) na ang suplay ng shabu sa probinsiya ay bumababa na. “The supply and demand of illegal drugs in the province has been continuously declining,” pahayag ni Chief Insp. Randy Baoit, INPPO operations officer.
Iniugnay ni Baoit ang pagbaba ng shabu sa walang-tigil na mga operasyon at pag-aresto sa mga suspected drug dealers at users.
Mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito ay iniulat ng INPPO na nakaaresto ang mga pulis ng 150 drug personalities matapos magsagawa ng 245 police operations.
Sa pinakahuling ulat sa operasyon ng police laban sa illegal na droga ay nakitang halos 121 gramo ng shabu at 197 gramo ng marijuana ang nakumpiska kasama ang nasa 23 baril at anim na explosives.
Mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30 ng taong ito ay 6,459 residente ng iba’t ibang lugar sa probinsiya ang boluntaryong sumuko sa mga lokal na awtoridad. Ang bilang ay 1.05 porsiyento ng kabuuang 613,659 populasyon ng Ilocos Norte.
Ang isa sa bantog na naging trabaho ng police sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay ang pagka-aresto ng isang barangay kagawad na kinilalang si Ramil Padero Curammeng sa Barangay Sta. Ana, Solsona, Ilocos Norte tatlong buwan na ang nakakaraan. Nakuha mula sa suspek ang isang medium-sized transparent plastic sachet na naglalaman ng marijuana leaves.
Isa pang joint-operation ng INPPO at PDEA noong Setyembre 4 ang nagbunga sa pagka-aresto kay Stevenson Cudal Custodio ng Barangay San Roque, Paoay. Isang maliitna plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu ang nakumpiska mula sa suspek.
Sa kasalukuyan ay patuloy na tinutulungan ng local government units sa pakikipag-kaisa ng ibang national government line agencies ang mga drug surrenderers sa pamamagitan ng community drug reformation program.
Sa ulat ng PDEA ay nasa 520 barangays na drug-affected sa Ilocos Norte ang halos drug-cleared at patuloy pa rin ang validation.
Ayon sa lokal na awtoridad ang isang gramo ng shabu ay nagkakahalaga ng P8,000 hanggang P10,000 habang ang 5 gramo ay nasa P40,000 hanggang P50,000.
PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon