Suspek sa pamamaril sa RTC employees sa Ilocos Norte, arestado

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Arestado ang suspek sa pamamaril sa judiciary personnel ng Ilocos Norte bandang 11:30pm ng Oktubre 4, 2018 sa Brgy. Mindoro,Vigan City.
Ito ay konektado sa insidente ng pamamaril na nangyari sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Baay, Batac City, Ilocos Norte noong Oktubre 1, 2018 ng 5:10pm.
Kinilala ang mga biktima na si Randel Que Villaruz, 51anyos, may-asawa, legal researcher/acting clerk of court ng RTC Branch 65, Laoag City at residente ng Brgy. 6, San Julian, City of Batac, Ilocos Norte; at Teodoro Semang Dagupion, 41anyos, may-asawa, court process server ng RTC Branch 65, Laoag City at residente ng Saud, Badoc, Ilocos Norte.
Ang patuloy na pagsisiyasat ay nagresulta sa maraming mga saksi na nagpapatunay na nakarinig sila ng sunod-sunod na pamamaril at nakita na panandaliang huminto ang Honda City maroon na may plakang WHA 328 sa gitna ng kalsada at may bullet hole sa kanang bahagi ng bintana. Sa karagdagan, isang armadong lalaki na may suot na helmet at blue checkered long sleeves ang sunod-sunod na nagpaputok sa sasakyan at pagkatapos ay tumakas papunta sa kaniyang naghihintay na kasama sakay ng black gray Yamaha Mio motorcycle.
Natagpuan sina Villaruz at Dagupion na sugatan kaya isinugod ang mga ito sa Mariano Marcos Memorial Hospital para sa agarang lunas. Subalit, namatay si Villaruz habang ginagamot at si Dagupion ay nakaligtas at siyang kumilala sa suspek.
Sa panayam kay Dagupion, hiniling sa kaniya na kilalanin ang posibleng gunman sa Rogue’s Gallery ng nasabing police station at positibo nitong kinilala ang isang lalaki na nagngangalang Sherwin Riñen na sunod-sunod na nagpaputok sa kanila.
Sa pagsisikap ng pinagsamang miyembro ng CRG-SWAT at Ilocos Norte Provincial Maneuver Force Company sa ilalim ng pamumuno ni PCInsp. Rodelio F. Santos, OIC ng Batac City Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Vigan City Police Station ng Ilocos Sur ay nahanap si Sherwin Dagupion Riñen sa bahay ni Atty. Joel Marquez sa Brgy. Mindoro, Vigan City na nangasiwa sa boluntaryong pagsuko ni Riñen.
Si Riñen ay nasa ilalim ng kustodiya ng Batac City Police Station habang inihahanda ang naayon na kaso laban sa kaniya. PIO-PRO1 / ABN

Amianan Balita Ngayon