Taal, Humupa… Coronavirus umarangkada!

Ayon sa Philvocs… medyo humupa si bulkang Taal kaya ibinaba na nila ang alert level mula sa kuwatro naging Alert Level 3 na.

Salamat naman upang makabangon na rin ang mga residenteng nadelubyo. Ang masakit…marami sa kanila ang wala ng bahay na babalikan. Sinira na ng ash fall o mga bagay na ibinuga ng bulkan.

Ayon sa pamahalaan, aalalayan sila sa pamamagitan ng mga pabahay o relokasyon. At nakikiusap naman ang ilang mga taga-roon na kahit hindi na sila makakabalik sa kanilang mga bahay, basta’t huwag silang pagbawalang maghanapbuhay gaya ng pangingisda sa lawa ng Taal.

Sa puntong ito, hindi pa malinaw ang mga kasagutan. Maala-ala na noong Enero 30, 1911, pumutok ang bulkang Taal na naging dahilan ng pagkawasak ng 13 nayon sa Batangas at kumitil sa buhay ng mahigit 1,300 katao. Mapait na nakaraan…salamat sa Diyos at hindi na naulit sa pinakabagong pagputok.

*****
Sa delubyong inihatid ng Bulkang Taal, marami tayong nakitang di kanais-nais na pangyayari: may mga nagsamantala. Una, natuklasan ng mga residenteng nagsibalikan kamakailan sa kanilang mga tahanan, NANAKAWAN sila.

Walang maiturong suspect. Pinalikas noon ang mga nasasakupan ng 14kilometrong danger zone. Papano nakapasok ang mga magnanakaw samantalang maraming bantay na pulis at sundalo?

Ikalawang problema, kinapos sa pagkain, mga kagamitan at maraming pangangailangan ang mga bakwit. Ang kaso…sa likud ng kanilang pagtitiis, may mga NANIKWAT pa sa mga relief goods na para sa kanila. Ilang mga negosyante rin ang nagsamantala sa situasyon.

Nagtaas sila ng presyo ng kanilang tindang face masks na alam nilang kailangan ng mga apektadong residentes. Idagdag mo pa ang mga naglalabasang mga FAKE NEWS na nagbunga ng iringan ng ilang opisyal ng Batangas at mga taga-Philvocs.

*****
Habang nasa balag ng alanganin ang buhay dahil kay bulkang Taal…heto pa ang isang delubyong dumating sa bansa. Biglang pumutok ang balitang may inoobserbahang pasyente ng CORONAVIRUS na galing sa China. Ang batang Chinese na nasa Cebu ay nadagdagan pa at lampas beinte na ang inoobserbahan na BAKA merong NCOV.

Sumabay naman ang mga ulat na higit 35 bansa na sa mundo ang nagkumpirma na nakapasok na rin ang Coronavirus sa kanila. Pati nga US ay napasukan na rin kaya minabuti na ng Japan na kunin ang kanilang mga kababayan sa Hubei Province lalo na ang mga nasa Wuhan City kung saan nagmula ang sakit na ito.

Ang pinangangambahan ng Pilipinas ay ang maaring mangyari sa mga 300 na mga Pinoy na nasa Hubei, karamihan ay guro na gusto na ring makauwi pero wala pang linaw kung papano. At kung sakali mang makakauwi sila, ayon sa DOH, sila’y isasailalim sa quarantine sa loob ng 14 na araw at obserbahan.

Sa oras na eto, ayon sa DOH sa pamamagitan ni Sec. Francisco Duque lll, may kumpirmasyon na may isang nagpositibo sa NCOV na nasa isang pagamutan sa Metro Manila at kasalukuyang inoobserbahann. Ang kailangan natin ay pag-iingat sa pagkain at kalinisan sa katawan at paligid.
******

Haayy buhay nga naman…kapag bumanat ang malas, kahit saan ka magtago, susundan ka yata. Di pa tayo nakakalayo kay bulkang Taal, heto na naman ang isang problema – coronavirus (NCOV). Tuloy bumabalik sa aming diwa ang ilang mga hulahula ng mga mahilig sa bolang Kristal na sa mga hinaharap na mga araw…may bubulagang mga kalamidad na mahirap ipaliwanag at marami ang ibubungang trahedya.

May nasagap pa tayong ulat na ang NCOV daw ay galing sa pagkaing PANIKI. Sus maryusep…totoo bang isa itong delicacy sa Tsina…ang Paniki? Di lang daw paniki ang kinakain doon. Marami pang exotic foods. Tsk tsk kaya kung anu-anong sakit ang lumalabas, eh! Pero please, huwag naman nating sisihin ang mga Chinese o ang buong China.

Walang sinuman ang may gustong magpakalat ng sakit kaya ang intindihin na lang natin ay ang wastong pangangalaga ng ating kalusugan. Tama na ang sisihan. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon