Huwag naman dumating ang panahon, pati hangin may bayad na rin

Hindi naman maikakaila na ang lungsod ng Baguio ay nananatili pa ring isang pangunahing destinasyon ng mga turista sa bansa dahil sa patuloy ng pagdagsa ng mga foreign at domestic tourists sa mountain resort city, kahit pa may mga negatibong publisidad.

Patuloy na sumasandig ang Baguio sa malamig na klima nito bilang natural na pang-akit sa mga bisita at namnamin ang magandang pagkakataon na magpalamig at takasan ang init ng panahon sa kanilang lugar kaya ito tinawag na Summer Capital ng Pilipinas maraming dekada na ang nakalipas ng idiklera ito ng Philippine Commission noong 1903.

Patuloy din ang pagtaas ng bilang ng mga turista at bisita sa paglipas ng mga taon dahil na rin sa taunang pista ng Panagbenga at ang nakasanayang bakasyon tuwing tag-init at huling dalawang buwan ng taon – Nobyembre at Disyembre. May mga programa rin ang Department of Tourism sa Cordillera at Baguio na palakasin at pasiglahin ang turismo dito dahil ito ay itinuturing na “buhay” ng ekonomiya ng lungsod.

Ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng City Tourism Office ay mahigit 1,760,729 turista ang bumisita sa Baguio noong 2018 na may pagtaas na 15.7 porsiyento na naitala na 1,521,748 tourist arrivals noong 2017. Ngunit kaakibat ng pagdagsa ng turista at mga bisita at mga pangekonomiyang aktibidad sa lungsod ay nagpaigting sa banta ng pagkasira ng kapaligiran, pagkasira ng ecosystem, at ang pagtaas ng polusyon sa lupa, hangin at tubig.

Dahil dito ay may panukalang ordinansa na pumasa na sa unang pagbasa sa konseho ng lungsod na pinamagatang “Environmental User’s Fee” na layong epektibong pamahalaan ang kapaligiran, pag-unlad, at lunas. Makokontrol din daw ang paggamit ng resources ng lungsod at mabawasan ang polusyon sa maraming lugar.

Sa sistemang EUF kapag naaprubahan ay kailangang magbayad ang mga turista sa lungsod ng PhP75.00 (bawat ulo) at ang makokolektang halaga para sa gastusin sa pamamahala ng basura at mga programa sa kalikasan ng lungsod.

Kung pagbabasehan ang pinkahuling bilang na bilang ng turista sa lungsod noong 2018 na 1,760,729 at kuwentahin sa PhP 75.00 bawat ulo ay lalabas na makakakolekta ang lungsod ng nasa PhP 132,054,675.00 sa isang taon.

Hindi pa kasama dito ang multa na nagkakahalaga ng mula PhP2,500 hanggang PhP 5,000, gayundin ang taunang dapat bayaran ng mga may-ari ng hotel,inns, transient o lodging houses na environmental fees na PhP 1,000 sa 5 kuwarto at pababa, PhP2,000 sa hindi hihigit 10 kuwarto, PhP5,000 sa hindi hihigit sa 20 kuwarto, PhP6,000 para sa hingi hihigit 30 kuwarto, PhP10,000 sa hindi hihigit 50 kuwarto at PhP20,000 sa mga hingi hihigit 50 ang kuwarto na babayaran nila sap ag-renew ng kanilang mga business permits o anumang oras ng taon. Idagdag pa dito ang PhP100 na babayaran ng kliyente nila sa bawat kuwartong gagamitin.

Malaking halaga nga ang makokolekta para sa pamamahala ng kapaligiran at basura sa lungsod. Hindi ba’t may budget naman ang mga departamento na namamahala sa mga parke at pasyalan sa lungsod? Kinukulang ba ito? Ang layunin ng ordinansa ay mabuti kung titingnan ang aspeto ng pagkasira ng lungsod, ang polusyon na dulot ng maraming bisita, ngunit ang pagbayarin sila ay karagdagang gastos din para sa kanila lalo na ang hindi naman gaanong mayaman na kahit araw-araw ay maaaring mamasyal sa lungsod.

Paano naman ang mga bisitang husto lang ang badyet para sa tirahan, pagkain at pambili ng mga produkto ng lungsod? Hindi kaya nadodoble naman ang gastos nila? Makakabuti kaya para sa lungsod ang Environmental User’s Fee na ito o makakasama sa imahe nito dahil sa halip na makahikayat tayo na siyang programa ng turismo ay baka maitaboy pa natin sila?

Malimit mabanggit ng mga makakalikasang grupo at mga opisyal ng lungsod, gayundin ng mga konsehal, simbahan na ang mga parke ay “beyond the commerce of men” kung hindi nila gusto ang mga aktibidad na nagyayari dito.

Hindi ba’t sa pagsingil ng environmental fee ay isang uri ng komersiyo dahil pinagkakakitaan ito? Ang hirap pa ay baka masamantala ang sistemang ito ng mga itatalagang “collector” ng mga bayarin. Sa pagbisita ng mga turista sa lungsod ay nakakaambag na sila sa ekonomiya ng Baguio sa maraming bagay at ang environmental fee ay panibagong gastusin sa kanila.

At ang kung ang pagbisita nila sa lungsod ay nakakaambag din sa problema ng lungsod (na marami namang bisita ang responsableng turista) ay hindi kaya mas mainam na magkaroon ng regulasyon at kampanya para responsableng pagbisita at pagiging turista sa halip na magtakda ng “environmental fee” na baka gamitin nilang rason para isantabi ang ordinansa dahil kaya naman nilang magbayad?

Huwag namang dumating ang panahon na baka pati “hangin” ay may bayad na rin.

Amianan Balita Ngayon