TATLONG MAGKAIBIGAN ARESTADO SA KASONG PANGGAGAHASA SA KALINGA

RIZAL, Kalinga – Tatlong magkakaibigan na pawang sangkot sa panggagahasa noong 2011, ang inaresto ng mga tauhan ng Rizal Municipal Police Station, dakong alas-5:20 ng hapon, habang naghihintay ng bus
papuntang Tuguegarao City sa junction ng Barangay Liwan. Kanluran, Rizal, Kalinga, noong Nobyembre 19. Kinilala ang mga naaresto na sina John Ray Baggas Balunggay, 24, minero; Justin Salabao Wandaga, 24, WIFIInstaller at Jonel Baggas Balunggay, 23, minero, pawang mga residente ng Masablang, Pinukpuk, Kalinga.

Ayon sa Rizal MPS, naaresto ang mga suspek batay sa warrant of arrest na inilabas ni Judge Jerson Angog, ng Branch 25, Regional Trial Court, Second Judicial Region, Tabuk City, Kalinga noong Oktubre 24, 2022. Sa warrant of arrest, sinampahan si Balunggay ng dalawang bilang ng panggagahasa, habang si
Wandaga ay sinampahan ng Acts Of Lasciviousness in Relation to Republic Act 7610 na may piyansang P36,000.00 at Rape through Sexual Assault na walang piyansa at si Jonel na wala ring piyansa sa kaso ng panggagahasa.

Nag-ugat ang kanilang kaso sa reklamo ng isang menor de edad kasama ang kanyang tagapag-alaga na noong taong 2011 siya ay sekswal na inabuso ng tatlong suspek sa magkaibang oras, petsa at lugar.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon