Unang Strawberry Wine Fair, idinaos ng La Trinidad

LA TRINIDAD, BENGUET – Sa unang pagkakataon ay isinagawa ng lokal na pamahalaan ang Strawberry Wine Fair noong Marso 20, 2018.
Ayon kay municipal agriculturist Felicitas D. Ticbaen layunin ng wine fair na makilala ang La Trinidad sa paggawa ng mga alak at matulungan ang mga negosyante sa wine industry.
Dagdag pa nito, layunin din ng lokal na pamahalaan na palakasin pa ang turismo at isulong ang produkto na tatak La Trinidad bukod sa pagbibigay ng kaalaman sa mamimili kung ano ang itsura ng fermented wines na gawa sa naturang bayan lalo na kung ikukumpara sa mga inumin na synthetic ang flavor.
Halos walong wine maker ang sumali para ipakilala ang kanilang mga produktong alak, hindi lang mula sa strawberry kundi mayroon ding mga rice wine, bugnay wine, coffee wine at iba pa.
Aniya, sa mga interesado na gustong magsimula ng negosyo sa wine industry ay makipag-ugnayan sa munisipyo ng La Trinidad at bibigyan sila ng kaukulang pagsasanay. MARK PAUL K. PERALTA, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon