WALAAN O TAGUAN NG MGA PRODUKTO… IBULGAR NA!

Mga produktong agrikultura na sinasabing nagkukulang, nawawala o itinatago…sige, dapat ibulgar na! Marami ang nagugulat sa pagsulpot ng mga ulat na marami pala tayong mga produktong agrikultura ang
nagkukulang o nawawala sa merkado. Bakit daw ngayon lang nabubulgar ang mga ito? Sa mga nagdaang mga administrasyon….wala bang ganitong problema? O baka naman ngayon lang nauungkat o nabubulgar dahil sa paghahalukay at paghihigpit ng kasalukuyang administrasyon?

Bago sa upakan, narito ang ilang magagandang balita: Sa pagbisita ni Pres. Bongbong Marcos Jr. sa Indonesia at Singapore…nakapag-uwi siya ng P800-B na halaga ng pamumuhunan para sa ating
bansa. Patrabaho, lalo na sa mga nurses na kinakailangan sa mga bansang ito at bukas para sa mga Pilipino. Sa isa pang ulat…may rekomendasyon na ang IATF na maging boluntaryo na lamang sana ang
pagsusuot ng face mask sa mga mga lugal na hindi matao pero sa mga nakatatanda at sakitin…magsuot pa rin.

Nasilip din at dapat na “tigilmuna” daw ang “study-nowpay-later plan” dahil natuklasang maraming mga
estudyante ang hindi pa nakakabayad ng kanilang “educational loans”. Ngayon, ang mga kontrobersiya: Habang nasa ibayong bansa si PBBM, kanyang itinapik na huwag na lang tayong umangkat ng isdang
galunggong. Marahil, nakita ng pangulo na marami naman tayo nito. Dapat lang na maasistehan ng gobyerno ang ating mga mangingisda kasama na ang mga magsasaka. Katunayan nga…kung pagsasardinas din lang ang usapan…sagana tayo ng isda gaya ng galunggong at tamban.

Sabi nga nila, sa ating bansa, hindi lang mga isdang ito ang ginagawang sardinas. Pati bangus na maliliit, nagagawa na rin nilang sardinas. Ang nakakagulat pa, isang bayan sa Iloilo ang natambakan ng mga isdang tamban ng mapagilid sa kanilang dalampasigan. Sangkaterbang tao ang nagsaya sa libreng ulam. Kung maparami pala natin ang mga pakain sa mga isdang ito sa ating baybayin…hindi tayo mauubusan.  Kamakailan, sabi, kulang tayo ng asukal. Ang siste, marami ang nabuko na nakatago sa mga bodega.

Ang hinahanap ngayon ay yong sinasabing nawawala sa merkado na puting sibuyas. Di kaya itinatago rin? Sabagay, malapit na raw ang anihan. Sumunod na nabulgar, pati daw bawang ay kakaunti na rin ang suplay. Anong kakaunti? Di ba, humihingi na ng tulong ang Batanes na kailangan nilang mai-dispose o maibenta ang kanilang tambak-tambak na ani ng bawang. Hindi na raw kaya ng mga storage ng
gobyerno roon ang dami ng aning bawang na kung magtatagal pa, ayon sa ulat…ay mabubulok lang.

Tanong: bakit hindi ba puwedeng bilhin ng gobyerno ang mga yan ay ibenta o dalhin sa mga lugal na kapos sa bawang? Walang pinag-iba sa napaulat noon na dito sa Cordillera, marami ang nasayang
na kamatis at carrots sa dami ng ani. Sabi ng ilan: dahil sa pagdagsa raw ng mga imported kaya apektado ang lokal na produkto. Sana, hindi na maulit, dighay ng marami. Pero teka lang, pards…ano itong napaulat
na mga mga lugal sa Benguet ang pinagtataga o sinira nila ang kanilang mga aning repolyo at gawing abuno na lang raw?

Masyadong mababa raw ang presyo at luging-lugi ang mga farmers kung ibebenta. Tanong ulit: wala bang magagawa ang ating pamahalaan sa mga ganitong sitwasyon? Di ba puwedeng gobyerno na ang bibili at ipamudmod sa mga mahihirap na walang makain? Sa ganitong paraan, matutulungan pa natin ang mga magsasaka. Nakakatakot kasing isipin na kung ganito lagi ang mangyayari….baka unti-unti mawawala na ang mga magsasaka.

Ating balikan ang tanong at pagtataka. Bakit kaya ngayong panahon ni Pres. Bongbong Marcos Jr. ay nabubulgar ang mga kakulangan sa mga produkto-agrikultura? Wala kayang ganitong suliranin sa mga nagdaang rehime? O baka naman hindi umiimik ang mga tao noon o baka naman talagang ngayon lang natutumbok na marami palang dapat linisin at ayusin sa pamahalaan. Kampi sa bulgaran…basta’t may mapaparusahan. Adios mi amor, ciao, mabalos.

 

Amianan Balita Ngayon