1 patay sa sagupaan sa TPLEX

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Patay ang isang suspek na bumalewala sa Oplan Sita matapos itong  nakipagsagupaan sa pwersa ng mga pulis sa kahabaan ng TPLEX access road sa Brgy. Acop, Rosales, Pangasinan, 3:10am ng Agosto 17, 2018.
Sa salaysay ni PCInsp. Jason L. Corpuz, hepe ng Rosales Police Station, na ang sagupaan ay nagsimula nang binalewala ng suspek ang Oplan Sita na isinasagawa ng mga tauhan ng PNP sa Brgy. Poblacion, Balungao, Pangasinan. Bilang tugon, isang dragnet/checkpoint operation ang isinagawa sa kahabaan ng Brgy. Bakit-Bakit, Rosales, Pangasinan na katabi lamang ng bayan ng Balungao.
Nang mapansin ang nakalagay na checkpoint, tumakas ang suspek patungong direksyon ng Cuyapo, Nueva Ecija. Hinabol ng mga otoridad ang suspek at nang marating ang TPLEX access road, nawalan ng kontrol ang suspek sa kaniyang motorsiklo at nadulas sa gilid ng kalsada.
Nagpaputok ang suspek sa mga otoridad kaya gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Iprinoseso ng SOCO Team mula sa PNP Crime Laboratory Office Urdaneta City ang crime scene at narekober ang isang Colt Cal .45 pistol na walang serial number at may nakalagay na magazine na may lamang dalawang live ammunition; tatlong naipaputok na cartridge cases ng hinihinalang Cal .45; limang naipaputok na cartridge cases ng hinihinalang Cal 9mm; isang naipaputok na bala ng Cal .45; isang naipaputok na bala ng Cal 9mm; isang heat sealed transparent plastic sachet na hinihinalang shabu; color gray na motorsiklo na walang plaka na ginamit ng suspek; at isang backpack na naglalaman ng mga personal na gamit ng suspek.
Sa isinagawang imbestigasyon, nakilala ang suspek na si Joshua Laxamana, 18 anyos, residente ng Brgy. San Vicente, Tarlac City, Tarlac. Sangkot si Laxamana sa apat na robbery cases (akyat bahay) sa lalawigan ng Pangasinan.
Iniutos ni PCSupt Romulo E. Sapitula, PRO1 regional director, sa chief ng Provincial Crime Laboratory Office na magsagawa ng ballistics examination at cross matching ng mga nasabing armas na ginamit ng suspek at kilalanin ang posibleng koneksyon sa iba pang krimeng naganap sa rehiyon. Iniutos din niya na magsagawa ng follow up investigation sa pagkakakilanlan ng motorsiklong ginamit ni Laxamana sa Land Transportation Office. PNP-PRO1

Amianan Balita Ngayon