2 pocket miners, patay sa minahan sa Benguet

ITOGON, BENGUET – Dalawang pocket miners ang namatay sa loob ng isang minahan gabi ng Agosto 14, 2018 sa Itogon, Benguet.
Naiulat na pumasok ng tunnel sa Level 70 ng Antamok, Ucab bandang 5pm ng parehong araw upang diumano’y ayusin ang mine blower sina Astrid Guitelen, 22, tubong Bangaan, Sagada, Mt. Province, at Jomar Lay-os, 23, tubong Fidelisan, Sagada, Mt. Province na pansamantalang naninirahan sa Antamok, Ucab, Itogon, Benguet. Ang tunnel ay pinangangasiwaan ni Angie Ognayon.
Gayunpaman, ang dalawa ay bigong makalabas ng minahan pagkalipas ng apat na oras kung kaya’t siniyasat ng mga kasamahan nila ang dalawa at nakitang nakahandusay ang mga ito mga 200 metro palayo mula sa lagusan.
Itinakbo ang dalawang biktima sa Baguio General Hospital and Medical Center subalit hindi nakarating nang buhay.
Ang dalawa ay iniuwi na ng kanilang mga kamag-anak sa Sagada, Mt. Province. A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon