11 TURISTA TIMBOG SA PAGBIBIYAHE NG P2-M MARIJUANA

SADANGA, Mt. Province

Labing-isang katao ang natimbog habang ibinibiyahe ang P2 milyong halaga ng dried marijuana
leaves,matapos ang isinagawang checkpoint sa Sadanga, Mountain Province noong gabi ng Oktubre 14. Sa ulat na nakarating kay Brig.Gen. David Peredo,Jr., regional director ng Police Regional Office-Cordillera, nakilala ang mga nadakip na sina Wendel Alvarado, 20; Jade Del Mundo,19; Bien Velasquez, 22; Christopher John Zabala, 23; Erika Javiero, 24; Paulo Segismundo,32; Jaycee
Cayanan, 21; Joseph Padayao Jr., 29; Belnas Conrado Jr., 24; Jon Paulo Bolivar, 29 at Cherry Ann Lomibao, 24.

Sa report, ang mga suspek ay nasakote ng magkasanib na tauhan ng Sadanga Municipal Police Station (MPS), Provincial Intelligence Unit ng Mountain Province PPO, 2nd Mountain Province Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Unit-14, Regional Mobile Force Battalion 15 , Regional EOD at Canine UnitCordillera, at PDEA- Mountain Province matapos silang
makorner sa isinagawang COMELEC Checkpoint ng mga operatiba sa Sitio Ampawilen, Poblacion, Sadanga.

Nakumpiska sa operating units ang 14 na brick at 3 tubular forms ng hinihinalang pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana na may tinatayang bigat na 16,750.45 gramo, na may Standard Drug Price P2,010,054.00. Ang pag-imbentaryo at pagmarka ng mga nakuhang ebidensya ay isinagawa onsite sa presensya ng mga naarestong suspek at sinaksihan ni Novy Del Rosario Afidchao, Provincial Information Officer, PLGUMountain Province, at William Farong-ey, Barangay Kagawad.

Dinala sa kustodiya ng Sadanga MPS ang mga naarestong suspek at ang mga nasamsam na ebidensya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

TFP/ABN

Amianan Balita Ngayon