25 ligtas sa 2 aksidente sa Cordillera

LUNGSOD NG BAGUIO – Masuwerteng nakaligtas ang dalawampu’t limang katao sa magkahiwalay na aksidente sa lansangan sa Balbalan, Kalinga at Tuba, Benguet sa nakaraang linggo.
Limang pasahero ng isang pampublikong jeepney na may plate number AYT 732 ang isinugod sa ospital matapos mawalan ng kontrol ang driver na si Virgilio Dagwat Magangan, 30 sa sasakyan ng mawalan ng preno ito sa Pisa, barangay Ableg, Pasil, Kalinga.
Iniulat na pababa ang sasakyan sa isang lubak-lubak na bahagi ng kalye papunta sa Balbalan ng mawalan ng preno ang sasakyan upang sapilitang patayin ni Magangan ang makina subalit patuloy pa rin dumausdos ang jeep at bumangga sa pader na bato.
Nagtamo ng sugat sa kaliwang palad ang driver na si Magangan; ang mga sakay na sina Emerson Golgol, 12 ay nagtamo ng pilay sa parehong paa, Si James Lamagan Tabanganay, 12 ay napilay din sa bahaging baywang, Mangilig Ricardo Tagitag, 59 napilay sa kanang balikat, Raynold Banoy Baydan, 37 nasugatan sa ulo, at si Jolan Lammawin Lawagan, 9 ay may konting gasgas.
Napag-alamang walang lisensiya ang driver.
Samantala, gabi ng Abril 23, Linggo bandang alas otso ay 17 pasahero ng isang pribadong jeepney ang isinugod sa Baguio General Hospital at Medical Center matapos mahulog ang nasabing sasakyan sa may 90-metrong bangin sa kahabaan ng Marcos Highway sa Luding, Poblacion, Tuba, Benguet.
Ayon kay Ricky Patras, 27 driver ng jeepney ay sinubukan niyang ilipat sa mababang kambiyo ngunit hindi umubra kaya biglang umatras ang sasakyan at nahulog sa bangin. Artemio A. Dumlao

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon