315 bagong police recruits, nanumpa sa Rehiyon1

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Nanumpa ang 315 bagong police recruits sa Police Regional Office 1 (PRO1) Grandstand sa La Union noong Lunes, Oktubre 22 ng umaga.
Pinangasiwaan ni Police Chief Superintendent Romulo E. Sapitula, regional director ng PRO1, ang oath of office at binati niya ang mga ito sa pagpasa sa matinding screening process na itinakda ng PNP at mahigpit na pinangasiwaan ng Regional Screening Committee (RSC) ng PRO1.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Sapitula na bilang alagad ng pulis, sila ay inaasahang tuparin, protektahan at irespeto ang karapatang pantao habang isinasagawa ang kanilang tungkulin “to serve and protect” at mamuhay sa kasabihan ng PRO1 na “Home of the Citizen Friendly Policemen and Protectors of Human Rights”.
“Ang panunumpa ninyo sa inyong kasalukuyang katungkulan ay simula pa lang ng marami at mas matindi pang pagsubok na inyong kakaharapin bilang alagad ng batas. Sa unang yugto ng inyong pagiging pulis ay kakailanganin ninyo ang mas ibayong pagtitiis at pagsasakripisyo higit sa lahat ang mas malakas na pananalig sa Panginoon,” ani Sapitula.
Binigyang-diin din ng director sa mga recruits na panatilihin ang matinding pagnanais at gawin ang bawat hamon bilang kanilang inspirasyon, dahil ang mga paghihirap ay laging bahagi ng tagumpay. Ito ang simula ng pagbuo ng pagbabago – upang mapabuti ang iyong sarili na tutulong sa pagpapabuti ng buong organisasyon ng pulisya, aniya.
Tandaan na ang bawat pagsisikap na inyong ginagawa, bawat hakbang na gagawin mo sa pagiging isang tunay na bagong tao, humahantong sa isang mas malaki at mas mahusay na pagbabago, dagdag niya.
Ang 315 bagong recruits ay binubuo ng 70 kababaihan at 245 kalalakihan na ipadadala sa Regional Training Center 1 (RTC 1) sa Aringay, La Union upang sumailalim sa anim na buwang Public Safety Basic Recruit Course at matapos nito ay ang Field Training Program para sa panibagong anim na buwan bago sila tuluyang i-deploy sa field.
Ang PO1, bilang pinakamababang ranggo ng PNP ay tatanggap ng monthly basic pay na P29,668 hindi pa kasama rito ang allowances habang sumasailalim sa pagsasanay. ABN

Amianan Balita Ngayon