Industriya ng kapeng Ilokano, nais pausbungin sa Ilocos Norte

Inaasaahan ang pagsulong ng industriya ng kapeng Ilokano sa Ilocos Norte sa nalalapit na pagtutulungan ng Provincial Government of Ilocos Norte (PGIN) sa pamamagitan ng Environment and Natural Resources Office (ENRO) at ng Philippine Coffee Development Company.
Ito ang masayang ibinalita ni Senior Board Member Matthew Marcos Manotoc, “Hindi lang ito plantation,” tutulungan ng grupo “all the way from plantation hanggang processing, hanggang sa finished product, hanggang retail – kahit coffee shop,” aniya.
Sinabi niya na ang mga dating proyekto sa kape ay hindi nagtagumpay at napapanatili gaya ng nais ng lokal na gobyerno.
Umaasa siyang ang bagong kape ng Ilocos Norte ay mas “wide-ranging, yung pwedeng katapat ng three-in-one (3-in-1), at pwedeng pang-coffee shop for all levels.
“Kasi alam ko rin na yung 3-in-1 ay hindi healthy – maraming asukal at may fake creamer, so sana ma-limit natin yung consumption ng 3-in-1, and at the same time ay mabigyan natin ng livelihood ang mga coffee farmers. We can be proud to have an Ilocano coffee.”
Ayon pa kay Manotoc, ang finalization ng memorandum of agreement (MOA) ay ginagawa na subalit ang implementasyon ay tatagal ng ilang taon pa.
“Hindi ito overnight process – magtatanim ka pa; maghihintay ka. I think the soonest we can have our home-grown coffee is mga two years pa.”
Ibinahagi din niya ang positibong pananaw ng grupo matapos ang ocular visit sa Pagudpud, nagkaroon ng assessment sa klima at kondisyon ng lupa.
Ang partnership ay kabibilangan ng mga magsasaka ng kooperatiba na may malapit na koordinasyon sa ENRO.
“Hopefully, this will give them [coffee farmers] a reason to expand,” ani Manotoc. “We can have kapeng Ilocano.” PGIN RELEASE / ABN

Amianan Balita Ngayon