Pangangalaga sa Ifugao terraces, muling siniguro ng Japan

LUNGSOD NG BAGUIO – Muling siniguro ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at Kanazawa University ang kanilang patuloy na pagtulong sa pangangalaga sa Ifugao Rice Terraces.
Sa pagbisita ng mga delegado ng Ifugao State University (IFSU) sa Kanazawa, Ishikawa, Japan noong Oktubre 22, 2018 ay ito ang binigyang-diin nina Dr. Yamazaki Koetsu, presidente ng Kanazawa University, at Director Tomoki Nitta ng JICA-Hokuriku Center kay Dr. Eva Marie Codamon-Dugyon, presidente ng IFSU.
Kinilala ni Dugyon ang hindi matatawarang kontribusyon ng dalawang institusyon sa mamamayan ng Ifugao.
“We are truly grateful of our partnership with the Kanazawa University and JICA in the conservation and protection efforts in the Ifugao Rice Terraces as the only Globally Important Agricultural Heritage systems recognized by the United Nations Food and Agriculture in 2007,” pahayag nito.
Sa pamamagitan ng Ifugao Satoyama Meister Training Program (ISMTP), isang joint project ng University of the Philippines-Open University, IFSU at pamahalaang panlalawigan ng Ifugao, JICA at Kanazawa University ay napapalakas ang pangunguna ng IFSU sa pagpapalakas sa lokal na inisyatiba at mga proyekto para sa pangangalaga sa Ifugao Rice Terraces.
Inihayag din ni University President Koetsu ang pagiging masigasig sa pagpapatupad sa mga programang nakasaad sa memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng IFSU at Kanazawa University noong Abril 2018.
“We are here to state our gratefulness for the partnership and reiterate our utmost desire to continue to strengthen our collaboration and bring to the next level our Memorandum of Understanding last April 2018,” ani Dugyon. PR/ABN

Amianan Balita Ngayon