360kilo ng botchang karne, isda kinumpiska sa Baguio

4 BUTCHERS, NAPATALSIK SA ILEGAL NA DROGA

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagbabala ang tanggapan ng City Veterinarian Office matapos makumpiska ang 262kilo ng karne at 100kilo ng isda na natuklasang itinitinda sa merkado ng lungsod kahit hindi angkop ang mga ito para kainin ng tao.
Sa kanyang ulat pagkatapos ng flag raising ceremony noong Agosto 7 ay sinabi ni city veterinarian Dr. Brigit Piok na kasama ang iba pang tanggapan na nagsusubaybay sa pagbebenta at sa wasto at malinis na paghahanda ng karne ay 15 ang lumabag at nabigyan ng babala.
Aniya, ang task force ay binubuo ng kapulisan, National Meat Inspection Service (NMIS), city treasury office, health services office (HSO), permits and licensing office, at ang CVO.
Dagdag pa niya na sa city market, “7,091 tons of meat and 5,143 tons of fish were inspected and have passed for public sale.” Ang mga itinitindang karne sa public market ay ligtas para sa pagkonsumo ng mga tao, paniniguro ni Piok.
Aniya, ang mga karneng ibinebenta sa publiko ay dumaraan sa inspection bago pa man katayin ang mga hayop hanggang sa makarating ang mga karne sa market, bago ibenta sa mga konsumer.
Iniulat niya na sa araw-araw na inspection nila ay may nakita silang hayop na hindi angkop na ikonsumo ng tao. May kabuuang 273,980 ulo ng hayop ang nakapasa para katayin sa slaughterhouse na pag-aari ng lungsod, na makakagawa ng 4,996 toneladang karne.
Sa naturang bilang, may 1,345kilo ng karne ang bagsak sa inspection; ang mga ito ay maaaring magdulot ng sakit kapag nakonsumo ng publiko.
Ani Piok, ang mga kinondenang karne ay maayos na naidispatsa upang hindi na muli pang madala at maibenta sa merkado.
Iniulat din ni Piok na apat mula sa 70 butchers ang inalisan ng lisensya dahil nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga. Binabalaan din ang may 41 butchers, 10 sa kanila ang sinuspinde, dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas at ordinansa na pinapairal sa slaughterhouse.
Ang mga hayop na kinakatay at ibinibenta sa market ay sinusuri at minamarkahan ang bawat isa bilang katunayan na pumasa ang mga ito sa regulasyon sa safe food standards.
Bilang bahagi ng ipinapatupad na safety, health and security measures para sa mga residente ng lungsod ay maging ang mga naghahanda ng karne sa merkado ay dumadaan din sa inspection. Ang mga butcher ay dapat na nakasuot ng prescribed uniform at maikli ang buhok, bawal ang paninigarilyo habang inihahanda ang mga hayop. Sila ay sinusubaybayan ng mga tauhan mula sa CVO, Public Order and Safety Division (POSD), at NMIS. Liza Agoot/PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon