4 sugatan sa bumagsak na tulay sa Pangasinan

Sugatan ang apat na trabahador matapos bumagsak ang hindi ginagamit na lumang tulay ng Barangay Baay sa Lingayen, Pangasinan, dakong alas tres ng hapon noong Pebrero 21, 2017. Ang mga trabahador ng Rani Construction & Supply na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ay kinilalang sina Vevencio Conise, 57 anyos; Kenneth Castro, 21 anyos; Roberto Llanillo, 38 anyos at welder, pawang residente ng Poblacion, Bugallon, Pangasinan; at Bartolome Aqui, 48 anyos at welder, residente ng Anolid, Mangaldan, Pangasinan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga biktima ay naka-safety harness at pinuputol ang steel trusses ng lumang tulay. Sa pagputol sa gitnang steel truss, bumagsak ang tulay at ang mga trabahador ay kumapit sa mga natitirang truss habang ang maliit na crane truck na ginagamit nila ay nalaglag sa ilog at lumubog.
Rumesponde ang pulis ng Lingayen at tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office-Lingayen na nagdala sa mga biktima sa Lingayen District Hospital upang malapatan ng medikal na tulong. Sharmaine Florendo, UP Baguio Intern/ may ulat ang PRO1

Amianan Balita Ngayon