AMIANAN POLICE PATROL

War materials nadiskubre sa kampo ng NPA sa Abra

TUBO, Abra

Narekober ng mga pulis ang ilang war materials sa abandonadong kampo ng New People’s Army (NPA) sa bulubunduking lugar ng Barangay Kili Tubo, Abra, noong Nobyembre 27. Sinabi ni Brig.Gen.David Peredo Jr., regional director ng Police Regional Office-Cordillera, ang pinagsamang operatiba ng 143rd Special Action Company, 14th Special Action Battalion, Abra Police Provincial Office, Mt Province PPO, at Regional Mobile Force Battalion 15, ay nagsasagawa ng minor Internal
Security Operation sa nasabing barangay nang matuklasan ang abandonadong kampo.

Narekober ng mga operatiba ang isang anti-personnel mine (PVC type), dalawang piraso ng dinamita, apat na piraso ng detonating cord, isang ICOM handheld radio, dalawang ICOM battery charger, assorted wiring, isang solar panel, isang Motorola charger, isang Nokia charger, dalawa Dynamo, at isang grease gun. Gayundin, nakuha mula sa nasabing kampo ang iba pang subersibong dokumento, ilang kagamitan sa komunikasyon, kasangkapan, medicine kits, at personal na gamit. Nasa kustodiya na ngayon ng Tubo MPS at EOD Abra ang mga narekober na gamit para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, habang patuloy na hinahanap ng mga operating unit ang mga katabing lugar ng kampo ng CTG para sa posibleng pagbawi ng iba pang subersibong materyales.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon