Bagong traffic scheme sa Marcos Highway, magsisimula sa Hulyo 9

TUBA, BENGUET – Ipapatupad ang bagong traffic scheme sa Marcos Highway papuntang Baguio City simula Hulyo 9.
Ayon kay Chief Inspector James Acod, hepe ng Tuba, na ang plano ay sinang-ayunan matapos ang pagpupulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, police units sa lungsod at mga bayan ng Pugo, Rosario at Tubao, gayundin ng vegetable at chicken dung dealers.
Aniya, ang pulong sa pagitan ng mga stakeholder ay nakatuon sa paglikha ng traffic management scheme upang matugunan ang mga problema sa transportation at public safety, lalo na sa Marcos Highway at Kennon Road, ang pinakamalaking bahagi ay nasa Tuba.
Dumalo rin sa nasabing pulong sina Tuba Vice Mayor Clarita Sal-ongan at Councilor Noel Saguid, na siyang chair ng Committee on Transportation.
Sa ilalim ng bagong traffic scheme, ang mga light vehicles paakyat ng Baguio na dadaan sa Marcos Highway ay malilihis sa Tubao junction (La Union) papuntang Asin Road at lalabas sa Barangay San Roque sa Baguio City, malapit sa Baguio City Police Station (BCPO) Station 1.
Subalit ang mga bus at trucks ay papayagang gamitin ang Marcos Highway.
Ayon kay Acod, ang agarang implementasyon ng scheme ay naka-angkla sa masamang panahon, mga aksidente sa kalsada at matinding trapiko sa kahabaan ng Marcos Highway, lalo na sa slide area lagpas ng fly-over, na kadalasang may aksidente dahil sa matarik na paakyat na daan.
Para sa maayos na implementasyon ng traffic scheme, nangako ng suporta sa traffic scheme ang mga police heads ng Pugo, Tubao at Rosario sa La Union.
“We have a good communication and coordination with them on this traffic scheme,” ani Acod.
Dagdag pa niya na ang maayos na traffic advisory signages ay ilalagay sa mga strategic area upang ipabatid sa mga motorista ang bagong traffic scheme.
Upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at upang mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko sa Kennon Road at Marcos Highway, inirekomenda ng Tuba police ang masusing monitoring at agarang pag-uulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng impending rockfall o slide, at ipapatupad ang istriktong implementasyon ng speed limit.
Samantala, upang matugunan ang problema sa trapiko sa Marcos Highway, nagpasa ang legislative body ng Tuba ng resolusyon ng paulit-ulit at paghingi sa DPWH upang maglaan ng pondo sa pagpapagawa ng safety inspection station (SIS) sa Baguio City Limit ng Badiwan section ng Marcos Highway.
Binanggit ng konseho ang pagtaas ng bilang ng vehicular accidents sa Marcos Highway, partikular sa City Limit at Barangay Poblacion.
Maliban sa panukala, naunang nagpila ng proposed ordinance si Sal-ongan, na ngayo’y nasa second reading, sa pagsasaayos sa municipal auxiliary traffic enforcers upang tulungang bantayan ang kalsada.
Nauna rito, inaprubahan ng konseho ang panukalang pagbibigay ng speed limit sa lahat ng motor vehicles sa Tuba. P.AGATEP, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon