Baguio City kumilos kontra COVID-19

Dahil sa banta ng Corona Virus Disease of COVID-19 kung saan ay dumarami pa ang mga nagpopositibo (187 as of presstime) at may 14 na ang namatay sa buong bansa…pinakilos ng National Government ang buong makinarya nito sa bansa laban sa naturang sakit.

Sabi nga ni Pangulong Duterte na malawakang digmaan ito na dapat lahat ng mamamayan ay kasamang lumaban upang puksain ang Covid-19. Sa giyerang ito, ayon sa pangulo ay hindi laban sa tao kundi sa hindi nakikitang sakit.

At bilang pagtalima, lahat ng LGUs sa bansa ay may kanya-kanyang pagkilos alinsunod sa mga pinalabas na mga panununtunan. Isa na rito ang napapanahong aksiyong ginawa ng Lungsod ng Baguio sa pamumuno ni City Mayor Benjamin Magalong. Ating himay-himayin ang giyerang ito ni Mayor Benjie:

*****
March 16, 2020…pinalabas ni Mayor Magalong ang Executive Order No. 65, Series of 2020 na inilalagay ang buong siyudad sa ilalim ng Community Quarantine makaraan ang panimbang o assessment ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF).

Ito ay tatagal hanggang Abril 15, 2020 para sa management of infectious disease. Sa deklarasyon ng State of Community Quarantine inilatag din ang maraming reglamento na dapat sundin. Una sa lahat, ang mga taong may essential travel purpose o balidong dahilan upang lumabas ang pahihintulutan. Dagdag pa na ayon sa DOH at HSO (Health Service Office ng Baguio), narito ang mga taong dapat na nasa bahay upang iwas-Covid19: a) mga lagpas sa edad-60; b) Emmonucompromised persons; c)Pregnant women; d) Minors, at e)Persons with history of pulmonary ailments or disease.

Ipinaala-ala sa naturang EO na kung hindi kinakailangang lumabas ang isang tao, ay sa bahay na lang muna habang nasa quarantine period pa tayo…bagama’t pinapayagan ang mga taong mangangailangan ng basic needs at medikasyon at mga napakahalagang dapat puntahan. Social gatherings sa mga bars, recreation centers, public parks, hospitality industry businesses, conference and function halls at mga kauring pagtitipon ay ipinagbabawal ng EO ni Mayor Benjie.
******
Sa mga unang araw ng implementasyon ng EO hinggil sa citywide community quarantine hanggang sa ipinalabas naman ni Pres. Rodrigo Duterte sa pamamagitan Proclamation No. 922 na ang buong Luzon ay isinasailalim sa Enhanced Community Quarantine na nagsimula noong March 17 at magtatapos sa Abril 13,2020b napakarami na ang mga nagsulputang mga katanungan.

May mga kumontra lalo na sa mga arawan ang kanilang trabaho at kita. Sa laman ng mga kautusan, totoong marami ang ibinawal ngunit iisa lang ang katuturan: proteksiyon ng buong mamamayan. Kaya nga’t sumunod ang proklamasyon ng pangulo na Nationwide State of Calamity upang magamit ng mga LGUs ang kani-kanilang calamity funds upang mapalakas ang serbisyo sa bayan at mapangalagaan ang kalusugan kontra Covid-19.

Isa sa problemang lumantad sa Lungsod ng Baguio ay ang transportasyon. Kahit bukas ang ilang negosyo kung wala naman daw masakyan ang mga tao, hindi rin sila makakapunta. Ito ay binigyan na ng solusyon sa pamamagitan ng isang pulong na ginanap sa pamumuno ni Mayor Benjie at kinatawan ng mga barangay sa pamumuno rin ni Coun.Lawana.

May mga panuntunan na upang magkaroon ng sasakyan ang mga taong may mahalagang lakad sa labas ng bahay. Sa lungsod pa rin, iniutos ang pagsusuot ng face mask at tutok sa pagsunod sa mga kautusan ng EO at sa mga utos-nasyonal kontra Covid-19.

Pang-unawa ang hingi sa ating kababayan. Matatapos din ang delubyong ito sa atin ding pamamagitan at pagmamalasakitan. Iwasan na ang maging pilosopo at sumunod sa tuntunin para sa ating kaligtasan. Adios mi amor, adios mi amor, ciao, mabalos.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon