Bilang ng illegitimate children sa Baguio, tumataas

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang lokal na tanggapan ng Civil Registry sa siyudad na ito ay nagtala ng humigit kumulang 4,716 live birth simula Enero hanggang Hunyo sa taong kasalukuyan, 7.78 porsyentong mas mababa kumpara noong nakaraang taon kung saan 5,114 live birth ang naitala.

Inihayag ni Local Civil Registrar Sylvia Laudencia na 52.23 porsyento sa naitalang live birth ngayong taon ay mga lalake at ang 47.77 porsyento naman ay mga babae.

Nadiskubre ni Laudencia na 47.65 porsyento sa mga live birth ngayong taon ay illegitimate at nahigitan ang naitalang porsyento noong nakaraang taon na 47.03 porsyento lamang.

Samantala, may 1,477 naman ang dami ng namatay sa unang semestre ng taong kasalukuyan, 11.56 porsyentong mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2018 na nagtala lamang ng bilang na 1,324.

Inihayag din ni Laudencia na nakapagtala ang kanilang tanggapan ng 1,072 bilang ng mga ikinasal ngayong taon, 0.75 porsyentong mas mataas kumpara noong nakaraang taon na nagtala ng bilang na 1,064 lamang.

Ang Local Registry Office ay nakakolekta ng humigitkumulang P1.9 milyon mula sa mga kliyente, may resibo at nai-remit na sa pamahalaan ng lungsod, ani Laudencia.

Inihayag din niya na kasalukuyang ginagawang “digital” ng Local Civil Registry ang kanilang mga transaksyon, ayon sa utos ng alkalde ng lungsod para masiguro ang mabilis na issuance ng mga dokumentong hinahangad ng mga kliyente.

Ang mga Birth Certificate mula 1945 hanggang sa taong kasalukuyan, mga Death Certificate mula 1973 hanggang sa taong kasalukuyan, at mga Marriage Certificate ay kasalukuyang ini-scan bilang paghahanda sa pag-issue ng “digitized” na kopya ng mga nasabing dokumento sa mga inaasahang kliyente sa darating na taon, ani Laudencia.

Dagdag pa niya na ang scanning ng mga dokumentong magagamit ay marahil sa katapusan pa ng taong kasalukuyan makukumpleto.

Nakiusap si Laudencia sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na kanila nang aksiyonan ang matagal nang nakabinbing kahilingan ng kanilang tanggapan na taasan ang singil sa Civil Registry Fee sa kadahilanang ang lokal na tanggapan ng Civil Registry ng Baguio ang may pinakamababang presyo kumpara sa singil ng mga kalapit na pamahalaang lokal.

Siniguro ni Laudencia sa kanilang mga kliyente na maari nang makakuha ng kopya ng kanilang mga Birth Certificate, Marriage Certificate, at Death Certificate ng kanilang mga mahal sa buhay, katulad ng mga dokumentong kasalukuyang ini-issue ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa sandaling na-scan na ng kanilang tanggapan ang lahat ng mga dokumentong nakabinbin para naman makita ng mga kliyente ang kanilang lagda at ang lagda ng kanilang magulang at ng mga saksi.

Iginiit din niya na ipagpatuloy lamang ng publiko ang pagtataguyod sa serbisyo ng kanilang tanggapan kung saan ang kanilang mga tauhan ay nakahandang tumugon sa mga tanong at kahilingan para sa issuance ng mga dokumentong hinahangad mula sa kanilang tanggapan malapit sa City Health Services Office sa Barangay Teodora Alonzo.

DAS-PIO/MDR-ABN

Amianan Balita Ngayon