Buntis na misis, pinatay ni mister

TUBA, BENGUET – Kasong parricide ang isinampa ng Tuba Municipal Police Station noong Martes, Hunyo 6, laban sa selosong mister na pumatay sa kanyang sariling asawa na dalawang buwang buntis dahil sa matinding selos.
Sa pahayag ni Janet Parilla, kapatid ng biktima, iniwan niya noong Sabado ng umaga sa kanilang bahay ang ate na si Jicky, 24 at asawa nitong si Mark Angelo Reyes,29, kasama ang 6 taong gulang na babaeng anak nito, subalit pagbalik nito kinahapunan ay nadatnan na niyang patay na ang kapatid.
Ayon kay Janet, madalas mag-away ang mag-asawa dahil sa masyadong seloso ang mister nito, pero hindi umano niya matanggap ang ginawa nitong pagpatay.
Ayon sa barangay tanod na si Regoberto Limen, ang unang nagresponde sa lugar na sinabi ng isang concerned citizen na nagsumbong sa kanila na isang bata at sinabing nag-aaway ang kanyang magulang.
Nang puntahan ni Limen ang bahay ay kumatok ito at tinanong kung ano ang nangyayari sa loob. Lumabas ang bata at sinabing pinatay ng tatay niya ang kanyang nanay. Boluntaryong sumuko naman ang suspek sa barangay tanod.
Matinding selos umano ang naging pahayag ni Reyes sa pulisya na nag-udyok na patayin niya ang asawa. Aniya, nakita umano niya sa text message sa cellphone na may ibang lalaki ito na pinagmulan ng kanilang pagtatalo, hanggang sa magdilim umano ang kanyang paningin at napatay ito.
Sa imbestigasyon ng pulisya, 10 saksak ng patalim ang tinamo ng biktima sa iba’t ibang parte ng katawan nito. Narekober din ang basag na cellphone, tablet at dalawang kutsilyo na pinaniniwalaang ginamit sa krimen. Ang suspek ay nakakulong ngayon sa Benguet Provincial Jail. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon