Contact Tracer, pinakamainit na trabaho ngayon

Habang patuloy na tumataas sa makasaysayang lebelo ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas, ang maaaring pinakamainit na trabaho sa taon ay ang pagiging tagaligtas ng buhay: contact tracer.
Ang pagsugpo sa coronavirus sa unti-unting muling pagbubukas ng ekonomiya ay lumikha ng isang matinding pangangailangan sa daan-libong tao na sasanaying tumukoy sa mga nahawang tao at hanapin ang sinuman at lahat na maaaring nakahalubilo nila at na-expose sa virus.
Kamakailan ay iminungkahi ng economic team ng gobyerno na kumuha ng 136,000 contact tracers upang mapahusay ang mga trabaho ng Department of Health (DOH) na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay may 38,315 contact tracers ang DOH na pinapasuweldo ng mga lokal na gobyerno at kukuha pa ng karagdagang mga health workers upang itaas ang bilang sa 126,000 para makatugon sa kinakailangang ratio na isang contact tracer sa bawat 800 katao.
Ang pagkuha sa mga contact tracer ay una nang ginawa sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong mundo.
Kaakibat ng panukalang hakbang na ito ay ang pangangailangan din ng nasa PhP30 bilyon ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III na sinabing itutulak nila ang pagpopondo dito upang maitalaga ang mas maraming mga kinakailangang contact tracers.
Sinabi naman ni NEDA acting secretary Karl Kendrick Chua na ang wage subsidy ay maaaring ma-convert sa cash for work upang matugunan ang contact tracers at handa raw silang suportahan ang hanggang isang milyon na cash-for-work beneficiaries.
Sa kasalukuyan habang sinusulat ito ay nasa 20,626 na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa na sa pagluwag ng mga pamantayan sa quarantine mula GCQ sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine sa karamihang lugar ay inaasahang mas lolobo pa ang bilang dahil nakakauwi na ang mga tao at pinapayagan na rin ang mga paglalakbay at paggalaw ng mga tao sa labas ng bahay.
Sinabi ng mga awtoridad sa kalusugan na tapos na ang unang daluyong kung saan ang mga banyagang Tsino ang unang pinagmulan na kalauna’y mga lokal na kontaminasyon na ang mga naitatala.
At dahil lokal na ang pagkahawa at nasa GCQ at MGCQ na ang maraming lugar ay tiyak na lalawak at mas darami pa ang kailangang i-trace ng mga contact tracer, ibig sabihin talagang lolobo pa ng husto ang bilang ng mga matutuklasang nahawaan at maaaring mahawaan.
Sinabi ng gobyerno na ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng contact tracers ay
napakahalagang papel upang mapigilan na ang pagkalat ng COVID-19 dahil matutukoy at maihihiwalay ang mga taong nahawaan ng sakit.
Sa gitna ng malawakang trabaho at sa dami ng wala at nawalan ng trabaho na tinatayang aabot sa mahigit 5 milyon ay marami ang magnanais na maging contact tracer.
Sa sahod na itatakda pa ng Civil Service Commission ay tiyak na susunggaban ito at dadagsa ang magnanais – magkaroon lamang ng pagkakakitaan sa panahong ito.
Subalit ang pagiging contact tracer ay hindi madali para sa lahat, kailangang nagtapos o undergraduate ang kukunin ng kahit anong kursong may kinalaman sa medisina gaya ng nurse.
May kakayahan sa data gathering na marunong mag-interview ng mga kaso at close contacts upang makakalap ng mga datos sa travel history at magsagawa ng health assessment, nagsusulong ng pampublikong kalusugan dahil kailangan makapaghatid din sila ng mga mensahe ng kalusugan.
Binigyan-diin ni Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City na ang pagkuha sa mga
kwalipikadong contact tracer ay magiging mahirap na trabaho. Hindi daw basta basta kung sino na lamang ang kukunin, kailangan ang kukunin sa trabaho ay mayroong kapabilidad sa pagiimbestiga at investigative mindset.
Ang isang aplikante ay dapat sumailalim sa pagsasanay sa cognitive interviewing skill at basic investigation upang maging epektibong contact tracer.
Ang Baguio city ay kasalukuyang may pinakamahusay na pagsasagawa ng contact tracing sa mga local government unit na pinamumunuan ng isang dating heneral ng Police at hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Higit sa lahat ng mga katangian at kapabilidad na kailangan ng isang contact tracer ay dapat masiguro din ang kanilang kaligtasan dahil hindi rin biro ang kanilang susuungin dahil sila ay mga frontliners din na direktang mahahawaan ng sakit na maglalagay sa panganib ang kanilang mga buhay.
Dahil kapag tagumpay ang hakbang ay magkakaroon na rin ng pagkakataon ang ibang Pilipino na nawalan ng trabaho na bumalik sa trabaho dahil mawawala na ang pangamba ng pagkahawa sa sakit at harinawa’y manumbalik din ang daloy at ikot ng normal na ekonomiya.

Amianan Balita Ngayon