DRUG PUSHER HINATULAN NG HABAMBUHAY NA PAGKABILANGGO

“14 taon pa karagdagang sintensya.”
BAGUIO CITY – Isang miyembro ng drug group ang nahatulan ng makulong ng habambuhay at karagdagang pagkakakulong pa ng 14 taon, matapos mapatunayang nagkasala sa dalawang kaso na isinampa sa kanya ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera, kaugnay sa
pagbebenta nito ng iligal na droga noong 2021 sa siyudad ng Baguio.
Sinabi ni PDEA Regional Director Gil Cesario Castro, noong Hulyo 11, ay hinatulan sa sala ni Judge Lilybeth Sindayen-Libiran, ng Branch 61, Regional Trial Court,Baguio City ang drug personality na si Bertito Ilumin Ramirez ng habambuhay na pagkakakulong at pagbabayad ng multang P500,000.00 pesos kaugnay sa kasong paglabag sa Section 5 (selling) sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bukod sa naunang kaso, nahatulan din si Ramirez ng pagkakakulong ng 14 taon at pagmulta ng halagang P300,000 bilang paglabag sa Section 11 ng parehong batas kaugnay sa pag-iingat nito ng iligal na droga.
Ayon kay Castro, si Ramirez ay naaresto noong Abril 28, 2021 sa isang entrapment operation sa may SLU-SVP Barangay, Baguio City.
Itinuring siyang pampublikong kaaway para sa serye ng mga kriminal na aktibidad sa Baguio City at karatig-lalawigan ng Benguet. Labis na nagpasalamat si Castro sa matagumpay na prosecution ni Prosecutor Oliver Prudencio, ng Baguio City Prosecutors Office sa kanyang panibagong pangako na patibayin ang mga legal na opensiba ng PDEA- Cordillera, paninindigan ang panuntunan ng batas sa mga operasyon laban sa droga at lumikha ng ugnayan para sa isang legal na institusyon.
Zaldy Comanda/ABN
 
 

Amianan Balita Ngayon