DTI sa MSMEs: Sumunod sa quality standards sa produksiyon ng PPE

LUNGSOD NG DAGUPAN, Pangasinan – Bilang tugon sa agarang maramihang produksiyon ng personal protective equipment (PPE) sa panahon ng krisis sa kalusugan ay pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Pangasinan ang lahat ng negosyo na interesadong gumawa ng mga PPE na sumunod sa quality standards at kumuha ng standards manual.

Sinabi ni Natalia Dalaten, officer-in-charge provincial director ng DTI-Pangasinan na ang mga micro, small at medium enterprises sa probinsiya na interesadong gumawa o lumikha ng mga PPE ay kailangang kumuha ng manuals ng Philippine National Standards o International Organization for Standardization (ISO) upang masiguro na ang kanilang gawa ay sumusunod sa standards technical regulations and conformity assessment procedures.

Sinabi niya na ang DTI sa pamamagitan ng Bureau of Philippine Standards (BPS) ay magbibigay ng isang libreng standards manual sa lahat ng negosyo at stakeholders ng medical PPEs para sa kanilang produksiyon ng protective clothing, medical gloves, facemasks o respiratory protective devices.

Para makakuha ng standards manual ay maaaring tumawag ang mga MSME sa DTI-Pangasinan Office sa telepono bilang 515-3138, 529-6177 o magpadala ng email sa r01.pangasinan.dti.gov.ph o tumawag sa BPS office sa telepono bilang 02-7751 at 02-7791-3126 o mag-email sa [email protected] at [email protected].

Gayundin ay inulit ni Dalaten ang paalala ng departamento sa lahat ng retailers ng mga pangunahing produkto lalo na ang medical supplies gaya ng PPEs na huwag ialok o ibenta ang kanilang produkto ng sobrang mahal kaysa tunay na presyo o itaas ito sa mahigit 10 porsiyento sa nakaraang buwan upang maiwasan mapatawan ng parusa.

Sinabi niya na ang mga nagbebenta na minamanipula ang mga presyo o nagtatago, masyadong pinagkakakitaan o cartel ay mapaparusahan sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act at/o Republic Act 73994 o Consumer Act of the Philippines.

“Any person caught in act of the abovementioned activities could be penalized administratively with a fine of Php1,000 but not more than Php1 million and may face criminal charges with a fine of P5,000 up to P2 million or imprisonment of not less than five years but not more than 15 years,” ani Dalaten.

(EMSA-PIA Pang./PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon