Hatol ng korte sa jail guard, bilanggo ng 2 habambuhay

LUNGSOD NG BAGUIO – Dalawang habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng korte laban sa isang jail guard, matapos na mahuli ito sa pagbebenta ng shabu sa naganap na buy-bust operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Baguio City Police Office noong Setyembre 2017.
Sa desisyon na ipinalabas ni Presiding Judge Emmanuel Cacho Rasing ng Branch 3, Regional Trial Court, Baguio City, noong Hunyo 20, isang habambuhay na pagkakulong sa pag-iingat ng 6 gramo ng shabu at isang habambuhay naman sa pagbebenta nito ng 1.43 gramo ng shabu ang inihatol laban kay Senior Jail Officer 1 (SJO1) Donald Tauli Kelly Jr., 49, ng Barangay Ucab, Itogon, Benguet.
Si Kelly ay nakatalaga sa Itogon Municipal Jail nang isagawa ng DEU operatives ang buy-bust noong Setyembre 3,2017 sa may Fr. Carlo Loop, Upper Session Road, matapos ang mahabang panahon na pagsusubaybay kaugnay sa pagbebenta nito ng illegal na droga.
Sa desisyon, napatunayan ng korte na may naganap na pagbebenta nito ng shabu sa nagpanggap na buyer at naging matibay ang ebidensya mula sa saksi para panagutin ang akusado sa ginawa nitong kaso.
Nakuha sa kanya ang dalawang white cellophane na may lamang shabu na may halagang P40,060; isang sling bag; isang black pistol holster; isang caliber 9mm Taurus pistol service firearm, serial number TE 091803; isang 9mm Taurus Magazine na may 11 bala; isang 9mm Taurus Magazine na may 13 bala; cash money na P1,000.00; cellular phone; at P9,000 boodle money.
Si Kelly ay nakatakdang ilipat sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon