Hinihinalang mangkukulam, patay sa Abra

ABRA – Patay sa pamamaril ang hinihinalang mangkukulam ng hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan sa bayan ng Manabo sa Abra, umaga ng Setyembre 17.
Naglalakad diumano ang biktimang si Rosa Badongen Aliguen, 67, balo, kasama si Purita Bulayagong Dangatan, 59, papuntang simbahan para sa lingguhang misa nang biglang nagpaputok ang mga armadong kalalakihan sa dalawang ginang sa Sitio Casacgudan, Barangay San Ramon at tinamaan si Aliguen sa likod na siya niyang ikinamatay.
Natuklasan ng mga pulis na bago maganap ang insidente, ilan sa mga residente ng kalapit barangay ng San Ramos East ay sinasabing nagsasagawa diumano si Aliguen ng witchcraft o pangungulam.
Kinumpirma naman ng anak na babae ni Aliguen sa otoridad ang naturang alegasyon tungkol sa kaniyang ina.
Sinusuri ng Abra Provincial Crime Laboratory Office ang crime scene ngunit hindi nakakuha ng anumang ebidensiya. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon