Imee: P37-B Rice Subsidy program ng pamahalaan, dapat gastusin

Ipinagamit na ni Senadora Imee Marcos ang humigit kumulang sa 37- B pesos na rice subsidy program ng ilang ahensya ng pamahalaan para makatulong sa naghihirap na mga magsasaka sa bansa.
Sa bisa ng Senate Joint Resolution No. 4, hinihikayat ni Marcos ang DSWD, DND, DILG at DENR, sa pakikipagugnayan nila sa NFA at DA na bilhin ang mga nakaimbak na palay ng mga local farmer mula sa pondo ng rice subsidy program ng mga nabanggit na ahensya.
Bunsod nito, iginiit ni Marcos na mas makabubuting gastusin ang P33.9-B na rice subsidy ng DSWD para sa mga beneficiary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Gayundin ang paggamit ng P2.89-B na rice allocation ng mga military at police uniformed personnel, kabilang na ang BJMP, PCG at Bureau of Fire Protection.
Ayon kay Marcos, dapat tulungan ang halos dalawang milyong magsasaka na patuloy na umaaray dahil sa pagbagsak ng farm gate price ng palay matapos bumaha ang halos 4- milyong sako ng imported rice.
“Dapat ngayon, ang presyo ng palay ay mataas na at mamili na ang NFA dahil ang fear natin na matambakan tayo ng lokal na bigas habang papasok na ang anihan (harvest season) next week, yari tayo,” pangamba ni Marcos.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni DA Sec. William Dar sa NFA na ibenta na sa palengke ng Metro Manila at iba pang lungsod ang 3.6-milyong sako ng imported rice na nakaimbak sa mga warehouse.
Sinabi pa ni Dar na bibilhin ng NFA ang mga palay sa halagang 17-19 pesos per kilo kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
 
(Contributed article)

Amianan Balita Ngayon