Cordillera’s most wanted person, 3 pa nadakip

LA TRINIDAD, Benguet – Nasakote ng magkakasanib na operatiba ng pulisya ang tinaguriang No.1 Most Wanted Person ng Tabuk City at No. 4 sa rehiyon ng Cordillera, sa may Barangay Dagupan, Tabuk City, Kalinga na kanyang pinagtataguan.
Nabatid kay Police Brigadier General Israel Dickson, regional director ng Police Regional Office-Cordillera na ang nadakip ay si Brando Baluga Rivera, may kasong Carnapping sa ilalim ng Republic Act 10883.
Nadatnan siya ng mga tauhan ng Provincial Highway Patrol Unit, CIDG-Kalinga PFU, Tabuk CPS at PIB Kalinga, noong umaga ng Martes, Setyembre 10, 2019 at siya ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Nicanor S. Pascual, Jr. ng Branch 25, RTC, Bulanao, Tabuk City, Kalinga, na walang kaukulang piyansa.
Ayon kay Dickson, ang No.1 wanted person ng Bangued, Abra na si Avelino Quezada Libuen Jr., 40, security guard, tubong Barangay Naglibacan, Malibcong, Abra at may kasong Murder, ay natunton at nadkip sa hideout nito sa Sta. Filomena, San Mariano, Isabela.
Nadakip naman ng Baguio City Police Office si Israel Milaor Omana, ang No. 4 wanted person ng Police Station 5, na natunton sa Barangay San Antonio, Guinayangan, Quezon Province sa kasong Qualified Theft, at si Irene Tuggad Secuaten, na may kasong Estafa.
Iniulat naman ni Dickson mula sa talaan ng PROCOR na may 17 prisoner na nakalaya sa bisa ng GCTA na kusang loob na sumuko sa iba’t-ibang mga police station sa rehiyon at 7 sa kanila ay dinala na sa Bureau of Correctional.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon