L.U. Mayor sinibak sa puwesto

SAN FERNANDO CITY, La Union – “Bababa ako sa puwesto bilang respeto sa desisyon ng ‘Ombudsman, pero hindi ito pagsuko o’ pagsang-ayon sa paspasang paglilitis. Walang basehan ang paratang at walang nawala sa kaban ng bayan. Hangad ko ang patas na pagsisiyasat, kaya dadalhin ko ang kaso sa mataas na hukuman,” ito ang naging pahayag sa social media ni San Fernando City Mayor Hermenegildo “Dong” Gualberto, ng lalawigan ng La Union.

Si Gualberto ay sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman dahil umano sa maling paggamit ng pondo sa upgrading ng city plaza noong 2018.

Isinampa ang kasong grave misconduct, gross neglect of duty, grave abuse of authority at technical malversation of funds ng mga nagreklamong Barangay Chairman sa pangunguna ni Barangay Cadalan Chairman Samuel Jucar, noong Enero 28,2019, dahil umano sa pagpayag nito na gamitin ang P66.5 milyong bahagi ng 2017 at 2018 internal development fund ng siyudad para sa rehabilitasyon ng city plaza.

Noong 2018 ay binanggit sa report ng Commission on Audit na ginamit umano ang nasabing development fund para sa rehibilitasyon ng city plaza, na naging basehan ng mga Punong Barangay sa pagsasampa ng reklamo.

Si Gualberto ay unang napatawan ng anim na buwang suspension sa kahintulad na kaso, pero sa kabila nito ay muli siyang nanalong Alkalde sa ikalawang termino noong Mayo 2019.

Habang inaapela ni Gualberto ang kautusan ng Ombudsman ay papalitan muna siya ni Vice Mayor Alf Ortega, samantalang ang No.1 Sangguniang Panglungsod member na si Chary Nisce ang aaktong Bise Alkalde.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon