Lalaki, natagpuang patay sa loob ng container van

Isa nang bangkay nang natagpuan ang isang lalaking trabahador sa loob ng isang container van sa lungsod.
Nakatanggap ng tawag mula sa concerned citizen si PO2 Mirasol Buabo bandang 6:30am ng Hulyo 17 tungkol sa walang buhay na katawan ng lalaki sa loob ng isang container van na ginagamit ng mga trabahador ng Datanian Aggregates sa may Suello Village Circumferential Road, Baguio City.
Agad nagsagawa ng panayam ang mga rumespondeng tauhan ng Station 10 sa may-ari at manager ng nasabing sand and gravel business na si Ben Pasig Cayabas, at sinabi nitong umaga ng nasabing araw nang dumating siya sa lugar at narinig niya ang ilan sa kaniyang mga tauhan na pinag-uusapan ang kanilang katrabaho at biktimang si Salve Samdao Saga-ok, 25, single, driver at stay-in sa nasabing lugar ng insidente, na nakita nilang matigas na at walang tugon kahit na matapos nila itong lapatan ng first aid.
Dumating ang mga tauhan ng SOCO bandang tangahli ng parehong araw at prinoseso ang lugar.
Nagdesisyon naman ang mga kaanak ng biktima na hindi isailalim sa autopsy ang bangkay nito habang hinihintay ang mga nakatatanda upang magsagawa ng ritwal bago tanggalin ang katawan ng biktima sa pinangyarihan ng insidente.

Amianan Balita Ngayon