Lider ng Anakpawis at 1 pa, itinumba

CAMP OSCAR FLORENDO, La Union – Dalawang magsasaka, na ang isa ay lider ng Anakpawis, ang kapuwa itinumba ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Bayambang at Tayug, Pangasinan, ayon sa ulat ng Police Regional Office 1.
Kinilala ang biktimang si Roberto Castillo Mejia, 49, magsasaka, ng Barangay Sangcagulis, Bayambang, Pangasinan at lider umano ng
Anakpawis.
Ayon sa ulat, si Mejia, kasama ang pinsan na si Miguel, ay sakay ng tricycle dakong alas 11:00 ng umaga ng Lunes, Pebrero 18, nang tambangan ng dalawang kalalakihan at pinagbabaril.
Agad binawian ng buhay si Mejia at nakaligtas naman ang pinsan nitong si Miguel.
Land dispute ang tinitignang motibo sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
Ang magsasakang si Virgilio Lehero Benigno, ng Brgy. Lawak, Tayug, Pangasinan, ay tinambangan din ng dalawang hindi pa kilalang suspek sa hindi pa malamang motibo, dakong alas 7:40 ng gabi ng Lunes, Pebrero 18, 2019.
Nasawi ang biktima habang ginagamot sa Eastern Pangasinan  District Hospital, Tayug,Pangasinan.
 
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon