Mas malawak, mas mabigat na trabaho sa kapakanan ng nakakarami

Kahit na may sariling laban din ang Lungsod ng Baguio sa pamumuno ni Mayor Benjamin Magalong sa COVID-19 at maraming trabaho gayundin ang ilang maiinit na isyu na kinahaharap ng lungsod ay walang pagaalinlangang tinanggap ni Mayor Magalong ang iniatas sa kaniya ng National Task Force Against COVID-19 ang pamumuno sa contact tracing sa buong bansa.
Naging epektibo at matagumpay ang mga isinasagawang mga pamamaraan na inilunsad ni Magalong sa contact tracing sa mga nakahalubilo ng mga nagpositibo sa virus sa lungsod at mga karatig bayan. At dahil sa sistema na ginagawa ay naging ehemplo ang lungsod sa kung paano pangasiwaan ang pagkalat ng coronavirus na maging IATF at ang Pangulong Rodrigo Duterte ay humanga sa pamamaraan ni Mayor Magalong.
Kalauna’y sunod-sunod ang paanyaya ng ibang mga LGU upang magsagawa ang grupo ni Magalong ng pagtuturo at pagsasanay sa sistemang inilunsad niya. Gamit ang teknolohiya at paggamit sa cognitive interview skill ng Philippine National Police kung saan dating batikang imbestigador si Magalong at hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ay nakalikha siya ng isang kagamitan para sa mas mabilis at episyenteng sistema sa contact tracing na gamit na rin ng ibang LGU gaya ng Cebu City.
Gamit ang maraming pamamaraan gaya ng detection, isolation, testing at tracing maliban pa sa computer-aided data collection system at link analysis, isinama rin ang cognitive interviewing at patient identity disclosure upang malubos ang paglikom ng contact information at maisagawa ang quarantine, testing, disinfection at medical protocols. Nangako si Mayor Magalong na gagawin niya ang maayos na balanse sa pagitan nga kaniyang trabaho bilang Mayor ng Baguio at pananagutan sa buong bansa bilang pinuno ng contact tracing.
Sinabi ni Mayor Magalong sa kaniyang pagtanggap sa bagong trabaho na magkakaugnay ang ekonomniya ng bansa kaya kinakailangan ang pagtutulungan ng bawat isa sa ilalim ng pilosopiyang “magtrabaho tayo ng iisa, gagaling tayo na iisa.”
Tunay na sa panahon na ang lahat ay nasa gitna ng pandemya at dumaranas ng paghihirap ay mas kailangan ng lubos na pakikiisa at pagtutulungan. Hindi dapat mamayani ang pagmamaramot lalo na kung may kakayahan naman tayo, maging sa tulong pinansiyal at iba pa, gayundin ang mga karunungan at pamamaraan upang mapagtagumpayan natin ang napakalaking hamon na ito.
Malaking sakripisyo din ang gagawin ni Mayor Magalong dahil mahahati ang kaniyang panahon sa kapuwa mahahalagang katungkulan, pananagutan at responsibilidad. Ngunit para sa magaling at mapagkakatiwalaang opisyla na gaya niya ay tiyak na magagampanan niya ang dalawang trabaho – para sa kapakanan ng mas marami.

Amianan Balita Ngayon