Mga batang-ina lumolobo, edukasyon at lipunan malaking tulong sa pagtugon

May mga problema kung ang isang menor de edad na babae na bata pa ay nabuntis at nagsilang sa isa pang bata. Kabilang dito ang mga panganib ng mga komplikasyon kaugnay ng pagdadalang-tao, mantsa at diskriminasyon, limitadong paggalaw sa lipunan, udlot na paglaki at maternal mortality na mataas sa mga batang ina. Kapag ito’y nadoble, natriple sa libo ay makikinita mo na ang larawan ng sitwasyon sa bansa. 
Ang isyu ng teen pregnancy ay mahirap unawain. Ang konteksto at kapaligiran ay ginagawa pa itong mas kumplikado. Kung ang kultura ng kabataan ngayon ay may isang Facebook account ang profile nito ay malamang nasa ‘It’s complicated’ ang relationship status. Madaling ibintang ng ilan sa napasamang kultura ng kabataan ang salarin sa tumataas na insidente ng teen pregnancy. Maaaring tama ito subalit ito ay isang mapanganib ding malawakang pananaw.
Likas na bahagi ng kaisipan ng tao ang seksuwalidad at pagnanais na nakakaimpluwensiya sa pag-uugali at saloobin ng isang tao. Napapaigitng pa ito sa isang panahon ng buhay ng isang tao, isa dito ang panahon ng pagbibinata at pagdadalaga.
Ang pag-uugali at saloobin ng isang kabataan ay nagbabago hindi dahil nawawala na ang akala ng iba na ‘moral values’ kundi ito ay lumaki sa panahon kagaya ng kapaligiran at konteksto. Ang kanilang pagdama sa mga isyu ay maaaring iba sa mga nakaraang henerasyon. Kaya mahalagang maintindihan ang isyu ng teen pregnancy sa kontekstong ito, pagsisiyasat sa pagpapalit at mga uso sa pag-uugali, saloobin at pagdama ng mga kabataan.
Ayon sa National Youth Study (NYAS) noong 2010 ng National Youth Commission (NYC), ang mga kabataan ay sumusubok sa maromansang relasyon sa maagang edad; halos 75% ng 15-17 taong- gulang ay naghahanap na ng karelasyon at malaking bahagi ng edad na ito ay naniniwalang ang maagang sekswal na karanasan ay tanggap ng lipunan. Ang pananaw na ito ay humuhubog sa kanilang sekswal na pag-uugali at saloobin na humahantong sa mas mataas na insidente ng maagang pakikipagtalik sa mga kabataan. Ang nakakalungkot pa ay maliban sa lalong tumataas ang bilang ng nabubuntis na kabataan ay bumabata pa.
Sa 2013 Young Adults Fertility Survey ay pinakamataas ang rehiyong Cordillera sa teen fertility rate sa buong bansa, subalit sa 2017 National Demographic Health Survey ay CAR ang may pinakamababang teen pregnancy at motherhood sa kababaihang edad 15-19. Kapansin-pansin na mas mataas na bahagdan ang nakita sa rural areas kumpara sa urban areas. Sa probinsiya ng Benguet ay nakapagtala noong 2016 ng 499 panganganak ng mga batang ina mula 10 hanggang 19 taong gulang at tumaas sa 979 nitong nakaraang taon. Nahayag din sa datos na natuto ang mga kabataan sa mga nakakatanda at mga kaklase na wala rin masyadong kaalaman sa edukasyaon ng sekswalidad.
Ang katotohanan sa kabataan ay patuloy silang gumagawa ng desisyon, kaya’t obligasyon ng lipunan na tulungan sila sa paggawa ng tamang desisyon dahil kaya naman nila ito. Ang tamang desisyon ay maaaring pagpipigil o protektahan ang kanilang sarili sa mga makabagong pamamaraan.
Ang sitwasyon ng teen pregnancy sa bansa ay nagsasalarawan sa paninikil ng pinakamabuting interes ng kabataan lalo na ang mga kabataang babae. Sa kakulangan, kalimitan ng kawalan ng edukasyon na maaaring makabawas sa mapanganib na pag-uugali ay hindi makakabuti sa kanila. May karapatang malaman ng mga kabataang babae kung ano ang nangyayari sa kanilang mga katawan. Nagbubunga ng responsibilidad ang karunungan at mga kinakailangang kakayahan sa buhay upang mapangalagaan ang sarili.

Are you a judge?

Ulpit ni Ka Ompong

Amianan Balita Ngayon