Mga bus at truck, bawal sa Marcos Highway

LUNGSOD NG BAGUIO – Matapos ang paglalagay ng truck ban sa Marcos Highway ay pansamantalang pinadaraan na rin ang mga bus sa Naguilian Road mula noong gabi ng Agosto 14 (Martes).
Ito ay matapos na ang isang bahagi ng Marcos Highway sa Barangay Cares, Pugo, La Union ay nasira bunsod ng mga pag-ulan na dulot ng habagat.
“As of 7pm, closed na ang sinking area sa Palali sa buses and heavy vehicles. Light vehicles na lang ang pinapayagan dumaan, but it is still one-way passable,” ani Mark Anthony Flores ng Department of Public Works and Highways-Region 1 (DPWH-1) noong Agosto 15.
“Mas lalong lumubog ang kalsada sa lugar ng damage,” aniya.
Sinabi ni DPWH-1 information officer Esperanza Tinaza na ipinagbawal ng kanilang tanggapan ang tankers at dump trucks na dumaan sa naturang lugar at sinasabihan ang mga driver na dumaan sa Naguilian Road.
Ani Tinaza, ang Agoo-Baguio section ng Marcos Highway sa Barangay Cares, Pugo, La Union ay nakitang nasira ang pavement dakong 2pm ng Agosto 13 (Lunes). Ipinatupad ang truck ban noong umaga ng Martes.
Niliwanag nito na ang naturang hakbang ay upang maiwasan ang lalo pang pagkasira ng kalsada.
Naglagay na ang DPWH ng mga warning signs at barikada sa apektadong kalsada, na may maintenance crew upang 24/7 na may gagabay sa mga motorista. Mayroon ding mga pulis na inatasang mangasiwa sa trapiko dahil one-way lamang ang kalsada.
Bilang remedial measure, sinabi ni Tinaza na wawasakin ng DPWH ang konkretong kalsada at pupunuin ito ng aggregates upang maaari muling madaanan ng truckers. Isasagawa agad ito kapag bumuti na ang lagay ng panahon.
Ang Marcos Highway ang pangunahing kalsadang papunta sa Baguio at iba pang lugar sa Benguet. Ito rin ang dinadaanan para sa paghahatid sa highland vegetables at iba pang produkto papunta sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa. D.DENNIS JR., PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon