Motornapping group nabuwag, 14 motorsiklo nabawi

LA TRINIDAD, BENGUET – Nabuwag ng Police Regional Office-Cordillera ang isang motornapping group na responsible sa pagnanakaw ng mga motorsiklo sa siyudad ng Baguio at karatig-lalawigan ng Benguet, sa isinagawang tatlong araw na operasyon, na ikinadakip ng 6 katao, kabilang ang financier at buyer at pagkabawi ng 14 na motorsiklo. 
Kinilala ni Chief Supt. Rolando Nana, regional director, ang suspek na si Ronell Inso Salipan, 28, ng Pula, Apugan, Baguio City, bilang lider ng motornapping  group na nago-operate sa Baguio-Benguet.
Ang dalawang motornapper na unang nadakip sa operasyon sa Barangay Topdac, Atok, Benguet noong Hulyo 21 ay kinilalang sina Josete Longbabe Carantes, 22, ng Lubas, La Trinidad, Benguet, at Jerson Manano Remegio, 20, ng San Pascual, Tuba, Benguet. Apat na motorsiklo ang nabawi sa kanila.
Sa imbestigasyon, itinuro ng dalawang motornapper si Merlon Inso Thomas, 31, bilang financier, buyer at distributor ng mga nakaw na motorsiklo at Reymund Sudket Wayas, 32, farmer, na nadakip sa kanilang bahay sa Topdac, Atok, Benguet nang araw na iyon. Dalawang detached motorcycles at isang Rouser, isang RUSI at isang Yamaha motorcycles, ang narekober sa bahay ni Thomas.
Ayon kay General Nana, bago ang pagkakadakip ay magkasanib na operatiba ng La Trinidad Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Chief Insp. Benson Macli-ing, ang Baguio City Police Office, at Highway Patrol Group ang nagsagawa ng masusing imbestigasyon at operasyon kaugnay sa sunod-sunod na pagkawala ng mga motorsiklo.
Sa follow-up operation sa  Apugan, Tuba, Benguet, nadakip naman ang suspek na si Jay Juan Rivera 30, ng Irisan, Baguio City, nang marekober sa kanya ang isang nakaw na motorsiklo.
Nakipag-negotiate naman si Macli-ing kay George Neupe Bay-osan, lupon member ng Topdac, Atok, Benguet, para kumbinsihin ang tatlong residente na isurender ang tatlong nakaw na motorcycle na ibinenta sa kanila ni Thomas. Naisurender ang Rouser 160cc colored red/black; isang Rusi 150cc colored yellow/black at Yamaha 150 colored black.
Isinampa ng pulisya ang kasong four counts of carnapping laban kina Carantes, Remegio, Salipan, at Thomas, na walang kaukulang piyans; samantalang paglabag ng PD 1612 o Anti-Fencing Law ang ikinaso kina Rivera at Wayas, na may piyansang P34,000 at P26,000.
Karagdagang two counts of carnapping ang isinampa kina Carantes, Remegio, Salipan, at Thomas ng isang nagngangalang Kethley/Keith Lee at Jane Doe.
Ayon kay Nana, ang pagkabuwag sa mga miyembro ng motonapping syndicate ay nagbunga na mabigyan ng kalutasan ang mga nakawan ng motorsiko sa Baguio-Benguet at hinimok nito ang publiko na makipagtulungan sa pulisya laban sa mga masasamang elemento sa lipunan. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon