NAPOLCOM, kinilala ang mga natatanging pulis ng Cordillera

LA TRINIDAD, BENGUET – Nagbigay ng pagkilala ang National Police Commission (NAPOLCOM) Cordillera Regional Office sa mga natatanging police officers at nag-abot ng NAPOLCOM Welfare Benefit Program beneficiaries sa rehiyon alinsunod sa pagdiriwang ng National Crime Prevention Week.
Pinangunahan nina NAPOLCOM Vice Chair at Executive Officer Rogelio Casurao, sa tulong nina NAPOLCOM-Cordillera Regional Director Editha Puddoc at Police Regional Office-Cordillera (PROCOR) Regional Director PCSupt. Rolando Nana ang awarding kasabay ng Monday flag ceremony sa Camp Bado Dangwa, bayang ito.
Iginawad ang certificates of recognition na nagpapakita ng katangi-tanging tapang at kagitingan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin ay sina La Trinidad Municipal Police Chief PCINSP Benson Macli-ing at SPO2 Noren Bandao ng Atok Municipal Station, kapwa sa ilalim ng Benguet Police Provincial Office (PPO); PO2 Heidi Juliano at PO2 Pink Pearl Kayachen ng Baguio City Police Office Drug Enforcement Unit, at PO1 Marlon De la Paz ng Abra PPO Public Safety Company at SPO1 Antolin Potpoten ng Mountain Province PPO.
Ang mga awardees ay ang Cordillera regional nominees para sa Search for Outstanding PNP member kabilang si Potpoten na pasok sa national level.
Para sa NAPOLCOM Welfare Benefit Program, ang mga scholarship grants ay iginawad sa mga beneficiaries ng tatlong police officers – dalawa ay napatay sa laban at isa ay nagretiro dahil sa natamong pinsala habang ginagawa ang tungkulin.
Nakatanggap din ng death benefit claim ang biyuda ng police officer na namatay sa laban na nagkakahalaga ng P480,710 at scholarship grant para sa kaniyang mga anak. Makatatanggap din siya ng monthly pension ng limang taon.
Nakatanggap naman si SPO4 Efren Jun Abaya ng Baguio City Police Office at kaniyang asawa ng plaque of recognition sa pagiging regional winner sa Search for Model PNP Family.
Sa mensahe ni Casurao sa ginanap na NCPW program, siniguro niya na ipagpapatuloy ng NAPOLCOM ang pagtupad ng kanilang patriarch duty sa Philippine National Police tungo sa pag-abot ng PNP vision ng mataas na kakayahan, epektibo at makatotohanang police service sa pakikipagtulungan sa mga responsableng komunidad tungo sa pag-abot sa mas ligtas na lugar na titirhan, pagtatrabahuan at sa negosyo.
Pinaalalahanan din niya ang PROCOR na laging hikayatin ang kanilang stakeholders sa lahat ng sector ng lipunan upang makamit ang mga layunin sa ilalim ng PNP Patrol Plan 2020.
Hiniling din niya ang patuloy na pakikipagtulungan sa police force at pangako upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan at ng komunidad sa rehiyon.
Sa parehong programa, iginawad din ng PROCOR  ang Medalya ng Kadakilaan, Medalya ng Kagitingan at Medalya ng Papuri sa mga katangi-tanging police officers sa rehiyon. JDP/CCD-PIA CAR / ABN

Amianan Balita Ngayon