Linya ng kuryente at telepono inaayos pa rin sa Ilocos Norte

LUNGSOD NG LAOAG – Binabalot pa rin ng kadiliman ang mga residente ng Ilocos Norte dahil sa pagkasira ng mga electric posts at communication lines dulot ng bagsik ng bagyong Ompong simula noong Setyembre 15, 2018.
Ayon sa Ilocos Norte Electric Cooperative, wala pa ring katiyakan kung kalian maibabalik ang kuryente.
“Wala pang kasiguraduhan kung kailan maibabalik ang serbisyo ng kuryente sa buong probinsiya. Sa pagkakataong ito, susubukang unahing ibalik ang serbisyo ng kuryente sa mga city at municipal hall upang dito muna mamalagi ang mga taong nangangailangan ng agarang tulong,” ayon sa statement na inilabas ng kooperatiba.
Nag-aalok ng serbisyong libreng tawag at charging ang mga stores ng Smart at PLDT sa Laoag at kalapit na bayan ng San Nicolas, gayundin ang privately-owned Vertex Company na may mga branches sa Laoag at Batac.
Ang Prime Water pump stations na makikita sa Laoag, Bacarra, Vintar, Piddig, Solsona, Paoay, at Badoc ay nag-aalok din ng suplay ng tubig sa mga apektadong residente.
Samantala, may tinatayang 10,596 na mga residente sa dalawang lungsod at 19 munisipalidad ng probinsiya ang na-evacuate sa mas ligtas na lugar ay nagsipagbalikan na sa kanilang mga tirahan.
Maliban sa isang lola mula Barangay Sungadan, na namatay dahil sa atake sa puso sa kasagsagan ng bagyo gabi ng Biyernes, ayon kay Governor Ma. Imelda Josea “Imee” Marcos at ang kaniyang panawagan sa disaster preparedness, kabilang ang liquor ban ay maaaring nakatulong.
“At least there was no useless, unnecessary mortality due to drinking liquor,” ani Marcos.
Nagsasagawa pa rin ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRC) ng assessment sa mga nasira sa infrastructure, agriculture, at livestock. L.ADRIANO, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon