P146 milyon na marijuana sinunog sa Kalinga

LA TRINIDAD, Benguet – Muling nakadiskubre ng malawak na plantasyon ng marijuana ang magkakasanib na tauhan ng Police Regional Office-Cordillera (PROCOR) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang tatlong araw na operasyon sa Barangay Buscalan, Tinglayan, Kalinga.

Nabatid kay Police Brigadier General Israel Ephraim Dickson, PROCOR regional director, ang marijuana eradication na isinagawa noong Agosto 13-15 kung saan nadiskubre ang 717,900 fully grown marijuana plants mula sa siyam na plantation sites na nakatanim sa may 39,800 square meters na lote.

Sabay ding nadiskubre ang 25 gramo ng marijuana stalks, na may kabuuang halaga na P146,580,000 base sa Dangerous Drug Board value.

Ayon kay Dickson, ang patuloy na marijuana eradication ay bahagi ng ipinapatupad na Oplan Green Pearl Sher-fan ng pulisya at Oplan Linis Barangay XIV ng PDEA, na may layuning sugpuin ang marijuana plantation sa rehiyon.

Samantala, dalawang kalalakihan naman na lulan ng pampasaherong bus mula Mountain Province patungong Baguio City ang dinakip sa police checkpoint, matapos mahulihan ng 12.95 kilograms ng dried marijuana leaves na may market value na P1.5 milyon.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon