P3.5-B infra projects ng DPWH, ipapatupad sa Pangasinan

LINGAYEN, PANGASINAN – Nasa P3.5 bilyon ang kabuuang halaga ng proyekto sa imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pangasinan Second District Engineering Office ngayong taon.
Ang 180 infrastructure projects ay ipapatupad sa ikalawa at ikaapat na congressional districts ng probinsiya.
Ayon kay District Engineer Rodolfo Dion na apat sa mga proyekto ay prayoridad, kabilang ang Lingayen-Binmaley Bypass Road (phase 2), Daang Kalikasan Mangatarem (phase 1), Concreting of Road in Aguilar (phase 1), at Completion of Casa Real (phase 3).
Aniya, ang P1 bilyong halaga ng second phase ng Lingayen-Binmaley Bypas Road project ay sasakop sa pagpapagawa ng anim na kilometrong kalsada at apat na bagong tulay.
Sinabi niya na ang 20-kilometer road sa Aguilar patungong Sitio Mapita ay uumpisahang gawin na may inisyal na pondong P800 milyon.
Dagdag pa niya na ang Daang Kalikasan sa Mangatarem ay mayroon ding inisyal na pondo na P400 milyon. Ang 56-kilometer road ay mag-uugnay sa Sta. Cruz Zambales road.
Bukod dito, ang Casa Real, isang historical site na makikita sa Lingayen, ay malapit nang ganap na maayos na may P800 milyon na nakalaang pondo para sa final phase ngayong taon.
May kabuuang P110 milyon ang inilaan sa nasabing proyekto nang simulang irenovate noong 2016.
Samantala, inamin ni Dion na ang kaniyang opisina ay mayroon pang hindi natatapos na proyekto ng 2017 sa Pantal, Dagupan City.
“The protection wall in Pantal is now 80 percent completed; we are just behind schedule for this project because of some uncontrolled circumstances but it will be finished soon, and we will have 100 percent completion of all projects from 2017,” aniya.
Maliban sa malalaking infrastructure projects, sinabi ni Dion na ang kaniyang opisina ay patuloy sa pagsasagawa ng mga regular infrastructure projects, tulad ng flood control, multi-purpose building construction, at iba pa.
Ang Aguilar, Basista, Binmaley, Bugallon, Labrador, Lingayen, Mangatarem, at Urbiztondo ang bumubuo sa second congressional district ng Pangasinan; samantalang ang fourth congressional district ay binubuo ng Mangaldan, Manaoag, San Fabian, San Jacinto at Dagupan City. H.AUSTRIA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon