Paglipat ng Baguio waste transfer station, hiniling sa DA

LA TRINIDAD, BENGUET – Nagdesisyon ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Benguet na hingin kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na alisin ang pansamantalang waste transfer ng lungsod ng Baguio mula sa kasalukuyang lugar sa Baguio Dairy Farm malapit sa bayan ng Tuba.
Ngayong taon, ang lungsod ng Baguio ay nagtatapon na ng basura sa pansamantalang waste transfer station sa Barangay Dontogan sa Marcos Highway, malapit sa munisipalidad ng Tuba sa Benguet.
Ang basura na nakokolekta mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod, ay dumadaan sa transfer station bago ito ilipat sa pribadong sanitary landfill sa Urdaneta, Pangasinan.
Gayunpaman, ang kalapit na bayan ng Tuba at ibang komunidad ay nagrereklamo hinggil sa pagbabasura na makakaapekto sa kalusugan.
Pinayagan kamakailan ni Piñol ang hiling ng lungsod ng Baguio na gamitin ang 5,000 square meters ng stock farm sa Baguio Dairy Farm na pag-aari ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa ilalim ng Department of Agriculture nang isang taon, habang isinusulong ng lungsod ang pagpapagawa ng sariling engineered sanitary landfill, bagaman nasa Benguet din ito.
Iminungkahi ni Benguet provincial board member Nestor Fongwan Jr., na chair sa Committee on Environment, sa isang board meeting kamakailan ang hiling kay Piñol na ilipat ang pansamantalang waste transfer station kung sakaling ginagamit pa rin ito ng lungsod ng Baguio matapos ang Abril 1, 2019.
“We have to safeguard the welfare of the residents of Tuba, especially those living in Poblacion, who are affected by the environmental problems posed by the transfer station,” ani Fongwan, at idiniin na “the relocation site should be away from residential houses and school”.
Ang pasiya ng provincial board ay alinsunod sa naunang petisyon ng mga residente ng Barangay Poblacion, na tumututol sa dumping station ng Baguio malapit sa kanilang mga bahay.
“There was no public consultation conducted by the city government with the residents of Poblacion, Tuba (before the dumping station was put up),” reklamo ng mga residente sa kanilang petisyon.
Sa kanilang petition paper, anila ang dumping area ay malapit sa kanilang tahanan, mga establisimyento at paaralan na maaaring manganib ang kanilang kalusugan.
Sa pulong, inimbitahan ng Benguet provincial board si Alex Luis, chief ng Environmental Monitoring and Enforcement Division ng Environment Management Bureau sa Cordillera, at iba pang EMB officials upang bigyang linaw ang epekto sa kapaligiran ng waste facility.
Sinabi ni Luis sa kanila na ang waste transfer station ng Baguio ay sumusunod sa environmental laws, base sa regular monitoring ng ahensiya sa pasilidad.
Nakiusap naman si Benguet provincial board member Florencio Bentrez, na dating mayor ng bayan ng Tuba, sa ahensiya na magsagawa ng regular monitoring ng pasilidad upang siguruhin ang kaligtasan at kalusugan ng publiko, lalo na ang mga nakatira sa Poblacion.
“The facility is already there, but just to be sure environmental measures are efficiently and sufficiently attended to,” ani Bentrez sa mga opisyal ng local environment.
Sa sulat ni Ronni Domingo, officer-in-charge ng BAI, na may petsang Pebrero 28, 2018, na siyang nangangasiwa sa operasyon ng Baguio Dairy Farm, inirekomenda nito sa Agriculture Secretary ang paggamit ng Baguio sa stock farm, hangga’t “the proposed site shall be cleared and automatically vacated by the city government on or before April 1, 2019 without any expense demand from BAI”.
Ang pansamantalang transfer station ay ginawa upang tumugon sa emergency waste disposal problem na kinakaharap ng lungsod matapos ang court order trial na isara ang isang itinayo sa bayan ng La Trinidad dahil sa paglabag sa environmental laws. P.AGATEP, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon