Rabies Awareness Month, nagsimula na

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagsimula na ang taunang Rabies Awareness Month nitong buwan ng Marso, na may temang “Rabis iwasan, alaga’y pabakunahan.”
Layunin ng Bureau of Animal Industry sa pamamahala ng Department of Agriculture-Regional Field Office-Cordillera Administrative Region (DA-RFO-CAR) kasama ang Department of Health (DOH) na mapabakunahan ang 70 hanggang 80 porsyento ng mga aso sa lungsod.
“As of now, we have 60,000 estimated dog population in Baguio City. So, yung 70 to 80 percent na yan ang dapat mabakunahan natin for this year. Ang ultimate goal is rabies-free Philippines by 2020,” ayon kay Gladys C. Bantog, Veterinarian II ng City Veterinarian Office.
Target ng ahensya na makapagbigay ng 40,000 na anti-rabies na bakuna para sa mga hayop ngayong taon ayon kay Dr. Brigit P. Piok, city veterinarian.
Bukod sa pagbibigay ng libreng bakuna sa iba’t ibang barangay ngayong buwan ng Marso, isinasabay nila ang pagbibigay-kaalaman ukol sa responsible pet ownership.
Nakapagdaos na rin ng seminar ang nasabing ahensya tungkol sa responsible pet ownership at rabies awareness na ginanap sa Lucban Elementary School noong Pebrero 21.
“Kasi usually ang gusto naming itarget is yung mga elementary schools, kasi yung mga bata sila yung more vulnerable and exposed sa dog bites lalo na parating na yung summer. So pag March, April, May mataas talaga ang number ng dog bites,” ani Bantog.
Inaanyayahan naman ni Piok na sumulat lamang sa kanilang tanggapan kung mayroong barangay na interesadong magdaos ng mass vaccination para sa kanilang mga alaga. Melanie Dela Cruz, UB Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon