Shortlist ng magiging BCPO director, inilabas

LUNGSOD NG BAGUIO – Ipinadala kamakailan ni ProCor Regional Director Chief Superintendent Rolando Z. Nana kay Mayor Mauricio G. Domogan ang shortlist ng mga kwalipikadong senior police commissioned officers na naghahangad sa posisyon na City Director ng Baguio City Police Office (BCPO) na mababakante matapos ang dalawang taong tour of duty ng incumbent chief.
Kabilang sa shortlist na ipinadala ng regional director ay sina Ifugao Provincial Police Office officer-in-charge Senior Superintendent David K. Peredo, Senior Superintendent Agustin Juan Telllo, Senior Superintendent Giovani C. Maines, PRO-COR Regional Intelligence Chief Senior Superintendent Elmer Ragay at dating BCPO City Director Senior Superintendent George Daskeo.
Ang alkalde ay mayroong maximum na 10 days kung sino sa shortlist ang papalit kay outgoing BCPO City Director Senior Superintendent Ramil L. Saculles na malapit nang matapos ang 2-year tour of duty sa katapusan ng Setyembre.
Ayon kay Domogan, ang pamimili ng local chief of police ay kakaiba sa lungsod sa mga nakaraang taon dahil may local screening committee na kinabibilangan ng city department heads at private sector representatives na aatasang i-screen ang mga aplikante at pagkaraan ay boboto kung sino ang kanilang napili na susunod na chief of police.
Kabilang sa criteria na saklaw sa local screening committee sa selection process ay ang availability, performance, programs, resulta ng panayam at iba pang aspeto ng pagiging wel-rounded police officer.
Sa ilalim ng screening process, lahat ng aplikante ay kinakailangang sumailalim sa interview ng panel members at ilatag ang kanilang mga programa kung paano isustain ang anti-criminality, anti-terrorism at peacekeeping efforts upang maging maayos na lugar ang lungsod para sa edukasyon, trabaho, tirahan at pagnegosyo.
Ipinaliwanag ni Domogan na isa sa mga hamon na haharapin ng incoming local police chief ay kung paano isustain ang kasalukuyang tagumpay ng BCPO na naging 6th Safest Cities in Southeast Asia ang lungsod ng Baguio base sa perception ng mga bisita sa pamamagitan ng online database.
Sa ilalim ng probisyon ng Republic Act 6975 o ang batas na lumikha sa Department of the Interior and Local Government at ng Philippine National Police, ang PNP ay may mandatong magsumite sa alkalde ng shortlist ng qualified senior police commissioned officers na nasuri ng Senior Officers Placement Board (SOBP) na pagpipilian ng magiging local police chief.
Sa karagdagan, ang tour of duty ng isang officer-in-charge na maitatalaga upang pamunuhan ang local police force ay mayroon lamang 30 araw upang mabigyan ng pagkakataon ang alkalde upang mamili ng chief of police ng kaniyang police office.
Nagsilbi si Daskeo bilang BCPO officer-in-charge mula Enero 2016 hanggang Hunyo 2016 bago mapili bilang permanenteng city director noong Hunyo 2016 bago siya na-relieve sa kaniyang puwesto at na-reassign sa Directorate for Plans sa Camp Crame noong Oktubre 2016. BAGUIO PIO / ABN

Early warning

Evacuees

Amianan Balita Ngayon