Suspek sa grenade blasts sa Abra, nasakote ng pulisya

LA TRINIDAD, BENGUET – Isa sa tatlong pangunahing suspek sa paghahagis ng granada sa pista sa La Paz, Abra, na ikinamatay ng dalawang pulis at ikinasugat ng 24 katao, ang nadakip ng pulisya sa kanyang bahay sa Lagayan, Abra.
Nabatid kay Chief Supt. Rolando Nana, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, kinilala ang nadakip na si Joel Millare Balucas, 45, farmer, ng Sitio Kiwas, Barangay, Pulot, Lagayan, Abra.
Si Balucas ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong double murder with multiple attempted murder na inisyu ni Judge Raphiel F. Alzate ng Branch1, Regional Trial Court, Bangued, Abra, noong Agosto 24, 2018, na walang kaukulang piyansa.
Dalawa pang suspek na sina Roel Escalante at Eljay Biyang, ang pinaghahanap ng pulisya.
“Isa itong malaking accomplishment ng PROCOR na mabigyan ng hustisya ang mga biktima habang idinaraos ang piyesta noong Enero 25, 2018,” pahayag ni Nana.
Ang dalawang pulis na sina PO2 Frenzel Buneng Kitoyan at PO3 Carlos Baccali Bocaig, na dating miyembro ng Special Action Forces (SAF) sa nakaligtas sa Mamasapano incident, ang kapuwa napatay sa grenade blasts at ikinasugat ni Abra Representative Joseph Sto Niño Bernos at asawa nitong si La Paz Mayor Menchie Bernos.
Ayon kay Nana, si Balucas ay madadakip sana noong Disyembre 13, 2017, sa kasong three counts of attempted homicide with use of an unlicensed firearm, pero nakapag-piyansa ito ng P180,000.
Labis na pinuri naman ni Nana ang mga operating personnel sa pagkakadakip ng suspek at umaasa na madadakip din ang iba pang suspek upang ganap na makamit ang hustisya ng mga biktima at kapayapaan sa lalawigan ng Abra. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon