Truck driver patay sa banggaan sa Marcos Highway

TUBA, BENGUET – Isang driver na patungo sa kapatagan upang maghatid ng mga highland vegetables ang namatay matapos na mabangga ang sinasakyang truck ng isa pang truck na nawalan ng preno dakong 10:15 ng gabi ng Enero 3 sa Marcos Highway, Caucalan, Taloy Sur, bayang ito.
Ayon sa pulis, ang naturang truck ng gulay na may plakang CSE661 at minamaneho ni Simon Lonogan Pecdasen ay nabangga sa likod ng isa pang Isuzu truck na may plakang AFA7875 na nawalan ng preno habang pababa sa kalsada.
Si Pecdasen ay na-rescue mula sa nabunggong truck na tumagilid at isinugod sa Baguio General Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ang driver naman ng truck na nawalan ng preno na kinilalang si Renato Solomon Cristobal, 42, ng Kalayaan, Angeles, Pampanga, at mga pasaherong sina Rodolfo Cruz Cristobal, 65, ng Binmaley, Pangasinan; Rommel Dacalcap Manzano, 42, ng Inabaan Norte, Rosario, La Union; Ronnie Mangano Bautista, 36, ng Inabaan Norte, Rosario, La Union; at Benny Jose Faustino, 45, ng San Juan Rosario, La Union, ay dinala rin sa Baguio General Hospital para malunasan ang tinamong mga pinsala.
Ang sitwasyon ng trapiko sa Marcos Highway ay naging malubha sa mga nakaraang buwan matapos na ang public works department ay tumangging ibukas ang Kennon Road sa mga motorista nang ilang buwan na.
Kahit bukas para sa mga residenteng naninirahan sa Kennon Road, ang naturang makasaysayang kalsada ay isinara sa trapiko simula pa noong Hulyo 2018 para sa rehabilitasyon ng tulay sa Kilometer 4.
Ngunit ang patuloy na pagsasara ng kalsada ay umaani ng maraming kritisismo sa DPWH dahil sa mistulang hindi napapansin ng naturang ahensya ang malalang trapiko na dulot nito sa lungsod ng Baguio.
A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon